-
Notifications
You must be signed in to change notification settings - Fork 2
/
Copy path09 Sa Mga Taga Galatia
149 lines (149 loc) · 21.6 KB
/
09 Sa Mga Taga Galatia
1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
33
34
35
36
37
38
39
40
41
42
43
44
45
46
47
48
49
50
51
52
53
54
55
56
57
58
59
60
61
62
63
64
65
66
67
68
69
70
71
72
73
74
75
76
77
78
79
80
81
82
83
84
85
86
87
88
89
90
91
92
93
94
95
96
97
98
99
100
101
102
103
104
105
106
107
108
109
110
111
112
113
114
115
116
117
118
119
120
121
122
123
124
125
126
127
128
129
130
131
132
133
134
135
136
137
138
139
140
141
142
143
144
145
146
147
148
149
[1:1] Pablo, isang mensahero, (hindi mula sa mga tao, ni sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu Kristo, at ng Diyos Ama na nagpabangon sa Kanya mula sa mga patay;)
[1:2] at lahat ng mga kapatiran na kasama ko, sa mga konggregasyon ng Galatia:
[1:3] Kagandahang-loob sa inyo at kapayapaan mula sa Diyos Ama, at sa ating Panginoong Jesu Kristo,
[1:4] na nagbigay ng Kanyang sarili para sa ating mga kasalanan, sa ganitong paraan ay nailigtas Niya tayo mula sa kasalukuyan at masamang henerasyon ayon sa kalooban ng Diyos at Ama natin:
[1:5] kung na kanino ang karangalan magpasawalang hanggan. Amen.
[1:6] Nagtataka naman ako na ang bilis niyong lumipat mula sa tumawag sa inyo sa kagandahang-loob ni Kristo papunta sa ibang masayang balita:
[1:7] hindi na may iba pa, kundi mayroong ilang tao na gumugulo sa inyo at gustong pilipitin ang Masayang Balita ni Kristo.
[1:8] At kahit pa kami o isang anghel mula sa langit ang mag-anunsyo ng Masayang Balita sa inyo na kakaiba sa inanunsyo namin sa inyo, tratuhin niyo siya na parang isang demonyo!
[1:9] Kung paanong sinabi namin noon, at ngayon ay muli kong sasabihin na kung sinuman ang mag-anunsyo sa inyo ng masayang balita na taliwas sa natanggap niyo, tratuhin niyo siya na parang isang demonyo!
[1:10] Hinahabol ko ba ngayon ang pabor ng mga tao o ng Diyos? o sinisikap ko bang malugod ang mga tao? Dahil kung sinisikap ko pa ring malugod ang mga tao, malamang ay hindi ako magiging isang alipin ni Kristo.
[1:11] Pero ipinaaalam ko sa inyo, mga kapatid, ang Masayang Balita na naiproklama sa tulong ko, na ito ay hindi hinango sa tao.
[1:12] Dahil hindi ko rin ito tinanggap mula sa isang tao, ni itinuro ng isang tao sa akin, kundi ito ay dumating sa akin sa pamamagitan ng kapahayagan ni Jesu Kristo.
[1:13] Dahil narinig niyo naman ang patungkol sa aking paraan ng pamumuhay noon sa relihiyon ng mga Judio, kung paanong inusig ko ng sobra-sobra ang konggregsyon ng Diyos, at sinikap ko itong wasakin.
[1:14] At ako ay matagumpay sa loob ng relihiyon ng mga Judio higit pa sa maraming kasabayan ko sa aking bansa, dahil sa aking walang kamatayang sigasig sa tradisyon ng aking mga magulang.
[1:15] Pero nang marapatin ng Diyos, na pumili sa akin mula pa sa sinapupunan ng aking ina, at tawagin ako sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob,
[1:16] na ipahayag ang Kanyang Anak sa akin, sa ganitong paraan ay maiproklama ko Siya sa gitna ng mga bansa, hindi ako agad nakipag-usap sa dugo't laman:
[1:17] ni umakyat papuntang Jerusalem doon sa mga mensahero na nauna sa akin; sa halip ay lumakad ako papuntang Arabia, at muling bumalik sa Damascus.
[1:18] At pagkalipas ng tatlong taon, umakyat ako papuntang Jerusalem para kilalanin si Pedro, at nanatili akong kasama niya sa loob ng 15 araw.
[1:19] Pero hindi ko nakita ang ibang mga Mensahero maliban kay Tyago, ang kapatid sa laman ng Panginoon.
[1:20] Ngayon, ang mga bagay na isinusulat ko sa inyo, tignan niyo, dahil hindi ako nagsisinungaling sa harapan ng Diyos.
[1:21] Pagkatapos ay lumakad ako papunta sa mga lupain ng Syria at ng Cilicia;
[1:22] pero hindi ako kilala sa mukha ng mga konggregasyon ng Judea na na kay Kristo:
[1:23] pero narinig lamang nila na, "Ang tao na umusig sa atin noon, ngayon ay nag-aanunsyo na ng pananampalataya na noon ay sinikap niyang wasakin."
[1:24] At nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
[2:1] At pagkalipas ng 14 na taon ay muli akong umakyat sa Jerusalem kasama ni Barnabas, at isinama ko rin si Tito.
[2:2] At umakyat ako sa ilalim ng kapahayagan, at inilahad ko sa kanila ang Masayang Balita na aking inaanunsyo sa gitna ng mga bansa, pero sa pribadong paraan sa mga taong may reputasyon sa Masayang Balita, dahil baka kako tumatakbo nako o tumakbo ako ng walang kabuluhan.
[2:3] Kahit pa si Tito na kasama ko na isang Griyego ay hindi rin napilitang magpatuli:
[2:4] may mga pekeng kapatiran rin kasi na nakalusot ng palihim para imbestigahan ang kalayaan na mayroon kami kay Kristo Jesus, sa ganitong paraan ay mailagay nila kami sa pagkaalipin:
[2:5] kung saan ay hindi rin kami pumayag na mapasailalim kahit isang saglit, para ang katotohanan ng Masayang Balita ay manatili sa inyo.
[2:6] Pero itong patungkol sa mga taong itinuturing nila na may reputasyon, anuman ang kanilang kalibre, wala itong halaga para sa akin: hindi pinapaboran ng Diyos ang panlabas na katangian ng tao. Dahil wala namang naidagdag sa akin itong mga itinuturing na may reputasyon.
[2:7] Pero sa kabilang banda, nakita nila na sa akin naipagkatiwala ang Masayang Balita para sa mga di tuli, kung paano si Pedro naman sa mga Tuli;
[2:8] (dahil ang nagbigay lakas kay Pedro para sa katungkulang humayo sa mga Tuli ay nagbigay lakas rin sa akin para humayo sa ibang mga bansa:)
[2:9] At nang si Tyago, at si Cefas, at si Juan na may reputasyon bilang mga haligi ay makita ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, ibinigay nila sa akin at kay Barnabas ang kanang kamay ng partisipasyon, para kami ay pumunta sa mga ibang bansa, at sila naman ay sa mga Tuli.
[2:10] Sa isang kundisyon lang na dapat naming alalahanin ang mga mahihirap; at ang bagay na ito ang gustong-gusto ko mismong gawin.
[2:11] Pero nang si Pedro ay dumating sa Antioch, kinumpronta ko siya ng harapan dahil nasa mali siya.
[2:12] Dahil bago mangyari ito ay may dumating na ilang mga kalalakihan mula kay Tyago habang kumakain siya kasama ng mga Hentil. At paglapit nila doon ay lumayo siya at hiniwalay niya ang sarili niya dala ng takot niya sa kanila na mula sa partido ng mga Tuli.
[2:13] At ang natirang mga Judio ay nagpanggap ring kasama niya anupat si Barnabas rin ay natangay sa kanilang pagpapanggap.
[2:14] Pero nang makita ko na hindi sila lumalakad ng tuwid ayon sa katotohanan ng Masayang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harapan ng lahat, "Kung ikaw na Judio ay namumuhay na gaya ng mga Hentil, at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay tulad sa mga Judio?"
[2:15] Kami ay mga Judio ayon sa kapanganakan, at hindi mga makasalanan mula sa mga Hentil.
[2:16] Alam natin na hindi nagiging matuwid ang isang tao mula sa mga pinagagawa ng Batas, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya na galing kay Jesu Kristo. Kami rin ay nanalig kay Kristo Jesus para kami ay maging matuwid mula sa pananampalataya na galing kay Kristo, at hindi mula sa mga pinagagawa ng Batas: sa dahilan na wala ni isang katawang-lupa ang magiging matuwid mula sa mga pinagagawa ng Batas.
[2:17] Pero kung, habang sinisikap na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Kristo, tayo naman ay matagpuan na pare-parehong mga makasalanan, si Kristo ba ngayon ay lingkod ng kasalanan? Imposible!
[2:18] Dahil kung itinatayo kong muli ang mga bagay na giniba ko na, pinatutunayan ko ang sarili ko na suwail sa Batas.
[2:19] Dahil ako, sa pamamagitan ng Batas ay namatay na sa Batas, para sa Diyos ako mabuhay.
[2:20] Ipinako ako sa krus kasama ni Kristo: pero ako ay nabubuhay, bagamat hindi na ako, kundi si Kristo ang nabubuhay sa pamamagitan ko: at ang pamumuhay ko ngayon sa laman, ay ipinamumuhay ko sa pamamagitan ng pananalig na mula sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin, at nag-alay ng sarili Niya para sa akin.
[2:21] Hindi ko binabalewala ang kagandahang-loob ng Diyos: dahil kung ang katuwiran ay sa pamamagitan ng Batas, eh di si Kristo ay namatay lang ng walang kabuluhan.
[3:1] Hay, mga walang pang-unawang taga Galatia! Sino ba ang bumudol sa inyo para hindi niyo sundin ang katotohanan? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay nailathala sa kalagitnaan niyo si Jesu Kristo na nakapako sa krus?
[3:2] Ito lang ang gusto kong malaman mula sa inyo--tinanggap niyo ba ang Espiritu mula sa mga pinagagawa ng Batas, o mula sa pakikinig ng pananampalataya?
[3:3] Ganito ba kayo ka hangal na matapos magsimula sa Espiritu, ngayon ay sa laman kayo nagtatapos?
[3:4] Nagpakahirap ba kayo sa mahabang panahon alang-alang sa wala? Kung totoo nga ay balewala rin.
[3:5] Kaya naman, Siya na nagbigay sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa kalagitnaan niyo, ginagawa Niya ba ito mula sa mga pinagagawa ng Batas o mula sa pakikinig ng pananampalataya?
[3:6] Kahit si Abraham ay nanalig sa Diyos, at itinuos ito sa kanya na nagresulta sa pagiging matuwid.
[3:7] Kaya't dapat niyong malaman na ang mga kabilang sa pananampalataya, sila ang mga anak ni Abraham.
[3:8] At ang Biblia na nakita ang hinaharap, na gagawing matuwid ng Diyos ang ibang mga bansa mula sa pananampalataya, ay maagang inanunsyo kay Abraham na, "Sa pamamagitan mo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa."
[3:9] Kaya naman ang mga kabilang sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng mapanalig na Abraham.
[3:10] Ang lahat kasi ng nananangan sa mga gawain ng Batas ay nasa ilalim ng sumpa: dahil nakasulat, "Nasa ilalim ng sumpa ang lahat ng hindi manatili sa lahat ng nakasulat sa loob ng aklat ng Batas, para tuparin ang mga ito."
[3:11] Pero para walang sinuman ang maging matuwid sa pamamagitan ng Batas sa harapan ng Diyos, malinaw na nakasaad, "Ang matuwid ay mabubuhay mula sa pananalig."
[3:12] Pero ang Batas ay hindi mula sa pananalig: sa halip, ang taong gumagawa sa mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.
[3:13] Niligtas tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Batas nang Siya ay maging sumpa para sa atin: dahil nakasulat, "Nasa ilalim ng sumpa ang lahat ng bitayin sa puno."
[3:14] Sa ganitong paraan ay dumating sa gitna ng mga bansa ang pagpapala ni Abraham sa pamamagtian ni Kristo Jesus; para tanggapin natin ang pinangakong Espiritu sa pamamagitan ng pananalig.
[3:15] Mga kapatid, nagsasalita ako ayon sa paraan ng tao; dahil sa kontrata ng tao, kung ito ay legal, walang sinuman ang makapagpapawalang bisa o makapagdaragdag sa mga nilalaman nito.
[3:16] Ngayon, kay Abraham sinabi ang mga pangako at sa kanyang binhi. Hindi Niya sinabi, "at sa mga binhi," na parang tumutukoy sa marami; kundi para sa iisa, "at sa iyong binhi," na siyang tumutukoy kay Kristo
[3:17] Ito ngayon ang sinasabi ko: ang kasunduan na naitatag noon pa sa ilalim ng Diyos kay Kristo. At ang Batas na lumitaw 430 taon pa pagkatapos ay hindi mapapawalang-bisa ang pangako para ito ay mawalan ng kapangyarihan.
[3:18] Dahil kung ang pagbibigay ng mana ay nagmula sa Batas, hindi na ito sa pamamagitan ng pangako: pero sa pamamagitan ng pangako ito ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham.
[3:19] Para saan ngayon ang Batas? Idinagdag ito dahil sa mga kasalanan, hanggang sa dumating ang Binhi kung kanino ibinigay ang pangako; na inihanda sa tulong ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan.
[3:20] At ang tagapamagitan ay hindi tagapamagitan ng iisa, bagamat ang Diyos ay iisa.
[3:21] Ang Batas ba ngayon ay laban sa mga pangako ng Diyos? Imposible! Dahil kung ang Batas na ibinigay ay may kapangyarihang bumuhay, totoong ang katuwiran ay dapat sanang nagmula sa Batas.
[3:22] Sa halip, ang Biblia ay ikinulong ang lahat sa ilalim ng kasalanan para ang pangako mula sa pananampalataya ni Jesu Kristo ay maibigay sa mga nananalig.
[3:23] Pero bago pa dumating ang pananampalataya, tayo ay inalagaan sa ilalim ng Batas, nakakural para sa pananampalataya na ipapahayag pagdating ng panahon.
[3:24] Kaya naman ang Batas ang siyang naging taga-akay natin papunta kay Kristo, sa ganitong paraan ay sa pananampalataya tayo maging matuwid.
[3:25] Pero nang dumating na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-akay.
[3:26] Lahat kasi kayo ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.
[3:27] Dahil ang lahat ng nailublob kay Kristo ay ginawang damit si Kristo.
[3:28] Wala nang Judio o Griyego, wala nang alipin o malaya, wala nang lalake o babae: lahat kasi kayo ay nagkakaisa kay Kristo Jesus.
[3:29] At kung kayo nga ay kay Kristo, kayo ay binhi ni Abraham, at ayon sa pangako ay mga tagapagmana.
[4:1] Ngayon ay sinasabi ko na hangga't isang musmos pa ang tagapagmana, wala siyang pinagkaiba sa isang alipin, kahit siya pa ay panginoon ng lahat;
[4:2] Bukod pa riyan, siya'y nasa pangangalaga ng mga katiwala, at mga katulong sa bahay hanggang sa itinakdang panahon ng tatay niya.
[4:3] Sa ganitong paraan rin tayo, noong tayo ay bata pa ay naging mga alipin sa ilalim ng mga sinaunang pamantayan ng mundo.
[4:4] Pero nang dumating ang tamang panahon, ipinadala ng Diyos ang Anak Niya, na isinilang mula sa isang babae, isinilang sa ilalim ng Batas,
[4:5] para sa ganitong paraan ay matubos Niya ang mga nasa ilalim ng Batas, para tanggapin natin ang karapatan na maging mga anak.
[4:6] At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng Anak Niya sa loob ng inyong mga puso, na Siyang umiiyak, "Tatay! Ama!"
[4:7] Kaya naman, hindi ka na isang alipin, kundi isa nang anak; at kung isang anak ay tagapagmana rin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
[4:8] Samakatuwid, noong hindi niyo pa kilala ang Diyos, kayo ay mga alipin sa kanila na hindi likas na mga diyos.
[4:9] At ngayong kilala niyo na ang Diyos (pero higit sa lahat ang Diyos ang kumilala sa inyo), paano nangyari na bumalik kayong muli sa piling ng mga sinaunang pamantayan na mahihina at mga walang kapangyarihan, kung saan ay naghahangad kayo uling magpaalipin tulad noong una?
[4:10] Pinagdaraos niyo ang piling mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.
[4:11] Natatakot ako para sa inyo, na baka nawalan na ng kabuluhan ang pinagpaguran ko alang-alang sa inyo.
[4:12] Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, maging katulad niyo ako; dahil ako rin ay naging katulad niyo: wala kayong naidulot na masama sa akin.
[4:13] Pero alam niyo naman, na sa pamamagitan ng kahinaan sa laman ay nagawa kong magdeklara sa inyo ng Masayang Balita noong una.
[4:14] At ang pagsubok ko na nasa aking laman ay hindi niyo hinamak ni iniwasan, sa halip ay tinanggap niyo ako na parang isang anghel ng Diyos, na parang si Kristo Jesus.
[4:15] Ano na ngayon ang nangyari sa pagiging pinagpala niyo? Dahil testigo niyo ako na kung pwede nga ay dinukot niyo na ang inyong mga mata para ibigay sa akin!
[4:16] Ako ba ngayon ay naging kaaway niyo sa pagsasalita ko ng katotohanan sa inyo?
[4:17] Masigasig silang impluwensiyahan kayo sa hindi tamang paraan, pero ang totoo ay para ilayo kayo. Gusto kasi nila na sa kanila kayo maging masigasig.
[4:18] Pero tama lang na maimpluwensyahan na maging masigasig lagi sa kabutihan, at hindi lamang kapag ako ay nariyang kasama niyo.
[4:19] Mga munting anak ko, nagdurusa na naman ba kong isilang kayo hanggang sa mabuo si Kristo sa kalooban niyo?
[4:20] Pero gusto ko kayong makasama riyan ngayon, at baguhin ang tono ng boses ko, dahil hindi ko na alam ang gagawin ko sa inyo.
[4:21] Sabihin niyo sa akin, kayo na gustong mapasailalim sa Batas, hindi niyo ba naririnig ang Batas?
[4:22] Nakasulat kasi na may dalawang anak si Abraham, ang isa ay mula sa babaing alipin, at ang isa ay mula sa babaing malaya.
[4:23] Subalit ang isa na mula sa babaing alipin ay isinilang ayon sa laman; pero ang isa na mula sa babaing malaya, sa pamamagitan ng pangako.
[4:24] Itong mga bagay na ito ay sinasabi ng patalinghaga: ang mga ito kasi ay ang dalawang kasunduan; ang isa ay totoong mula sa Bundok Sinai na nagreresulta sa pagkakalikha ng buhay-alipin; iyan ay si Hagar.
[4:25] Si Hagar kasi ay ang Bundok Sinai na nasa Arabia, at siyang kumakatawan ngayon sa Jerusalem, at siya ay buhay-alipin kasama ng mga anak niya.
[4:26] Pero ang Jerusalem sa itaas ay malaya, na siyang ina nating lahat.
[4:27] Nakasulat kasi, "Magdiwang ka, ikaw na baog na hindi magka-anak; magsalita ka at umatungal, ikaw na hindi nakakaranas ng paghilab ng tiyan: dahil mas marami ang mga anak ng babaing iniwanan kaysa sa kanya na may asawang lalake!"
[4:28] Pero tayo, mga kapatid, na katulad ni Isaac ay mga anak ng pangako.
[4:29] Subalit kung paano noon na ang isinilang ayon sa laman ay inusig ang isinilang ayon sa Espiritu, sa ganito ring paraan ang nangyayari ngayon.
[4:30] Pero ano ba ang sinasabi ng Biblia? "Palayasin mo ang babaing alipin at ang anak niya: dahil hinding hindi magmamana ang anak ng babaing alipin kasama ng anak ng babaing malaya."
[4:31] Kaya naman, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin kundi ng malaya.
[5:1] Kaya't panindigan niyo ang kalayaan kung saan ay pinalaya na tayo ni Kristo, at huwag na kayong magpabihag pang muli sa pamatok ng pagka-alipin.
[5:2] Tandaan niyo, akong si Pablo ang nagsasalita sa inyo, na kapag nagpatuli kayo, wala nang magiging silbi si Kristo para sa inyo.
[5:3] At muli akong nagpapatotoo sa bawat isang taong tuli, na siya ay may obligasyong tuparin ang buong Batas.
[5:4] Tinanggalan niyo na ng kapangyarihan si Kristo mula sa sinuman na nais maging matuwid sa pamamagitan ng Batas; kayo ay nalaglag na mula sa kagandahang-loob.
[5:5] Tayo kasing mga kabilang sa pananampalataya ay naghihintay sa pamamagitan ng Espiritu sa pag-asa ng katuwiran.
[5:6] Dahil kay Kristo Jesus, walang anumang halaga ang pagiging tuli o hindi pagiging tuli; kundi ang pananalig na kumikilos sa pamamagitan ng pag-ibig.
[5:7] Mahusay ang pagtakbo niyo noon; sino ba ang pumigil sa inyo para hindi niyo sundin ang katotohanan?
[5:8] Ang kumpiyansang ito ay hindi galing sa Kanya na tumatawag sa inyo.
[5:9] Ang katiting na lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina.
[5:10] Kumbinsido ako para sa inyo, sa pamamagitan ng Panginoon, na wala na kayong ibang pagtutuonan ng pansin, pero ang gumugulo sa inyo ay tatanggap ng hatol, sinuman siya.
[5:11] At ako, mga kapatid, kung ako ay nangangaral pa hanggang ngayon ng pagtutuli, bakit pa ako ay inuusig hanggang ngayon? Kung ito ay totoo nga ay naglaho na ang bagay na nakakatisod sa krus!
[5:12] Sana nga ay yung mga gumugulo sa inyo, ang sarili na lang nila ang kapunin nila.
[5:13] Kayo kasi ay tinawag, mga kapatid, para sa kalayaan; huwag niyo lamang gamitin ang kalayaan para bigyang pagkakataon ang laman, kundi ay paglingkuran niyo ang isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig.
[5:14] Dahil ang buong Batas ay natupad sa pamamagitan ng isang salita, sa pamamagitan nito; "Mahalin mo ang kapwa mo, tulad ng iyong sarili."
[5:15] Pero kung kinakagat at sinasakmal niyo ang isa't isa, mag-ingat kayo na hindi niyo maubos ang isa't isa!
[5:16] Ngayon ay sinasabi ko, na sa espiritu kayo lumakad, at ang pagnanasa ng laman ay hinding-hindi niyo maisasakatuparan.
[5:17] Dahil ang gusto ng laman ay labanan ang espiritu, at ang gusto naman ng espiritu ay labanan ang laman: at ang dalawang ito ay taliwas sa isa't isa: kaya hindi ang mga bagay na gusto niyong gawin ang ginagawa niyo.
[5:18] Pero kung kayo ay nagpapaakay sa espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Batas.
[5:19] Ngayon, hayag sa lahat ang mga trabaho ng laman, ito ang mga sumusunod: pakikiapid, kahalayan, karumihan, kawalang-hiyaan,
[5:20] pagsamba sa imahen, pangkukulam, pagkamuhi, mga pagtatalo-talo, selos, pagwawala sa galit, pagiging makasarili, mga pagkakabaha-bahagi, paniniwala sa maling katuruan,
[5:21] inggit, pamamaslang, paglalasing, mga rambulan, at iba pang tulad nito; sinasabi ko sa inyo ng maaga ang mga ito, kung paano ko rin sinabi noon pa man na ang mga gumagawa ng mga bagay na ito ay di magmamana ng Kaharian ng Diyos.
[5:22] Pero ang bunga ng Espiritu ay pagmamahalan, kagalakan, kapayapaan, pasensya, kabaitan, kabutihan, pananalig,
[5:23] pagiging malumanay, pagpipigil sa sarili; walang batas na sasalungat sa mga bagay na tulad nito.
[5:24] At ipinako na sa krus ang laman ng mga na kay Kristo, kasama ng mga makamundong damdamin at ng mga masasamang pagnanasa.
[5:25] Kung sa pamamagitan ng Espiritu tayo ay nabubuhay, sa pamamagitan rin ng Espiritu tayo ay lumalakad.
[5:26] Huwag na tayong maghangad ng walang kabuluhang karangalan, pang-iinis sa isa't isa, inggitan sa isa't isa.
[6:1] Mga kapatid, kung ang isang tao naman ay mahuli sa anumang pagkakasala, kayo na mga espirituwal ay dapat na tulungang makatayo ang isang ito sa espiritu ng kaamuhan, habang nagbabantay sa sarili mo na baka ikaw naman ang matukso.
[6:2] Pasanin niyo ang mga kabigatan ng isa't isa, at sa ganitong paraan ay matupad niyo ang Batas ni Kristo.
[6:3] Dahil kung iniisip ninuman na siya ay may ipagmamayabang kung gayong wala naman, niloloko niya ang sarili niya.
[6:4] Pero dapat patunayan ng bawat isa ang sarili niyang gawa, at saka siya magmalaki patungkol sa kanyang sarili lamang, at hindi patungkol sa iba.
[6:5] Dahil ang bawat isa ay magbubuhat ng sarili niyang dalahin.
[6:6] At dapat na bahaginan ng tinuturuan ng Salita ang nagtuturo sa lahat ng mabubuting bagay.
[6:7] Huwag kayong magpapaloko; ang Diyos ay hindi maiisahan; dahil anuman ang itinatanim ng isang tao, iyon rin ang aanihin niya.
[6:8] Dahil ang nagtatanim para sa kanyang sariling laman ay aani ng kabulukan mula sa laman; pero ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani mula sa Espiritu ng buhay na walang hanggan.
[6:9] Pero hindi tayo nanlulupaypay sa mga mabuting gawain: dahil sa hindi natin pagtigil, sa tamang panahon mismo tayo aani.
[6:10] Kaya naman, sang ayon sa pagkakataon na mayroon tayo, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat, at lalo na sa kanila na kabilang sa pamilya ng pananampalataya.
[6:11] Tignan niyo kung gaano kalaking mga letra ako sumulat sa inyo gamit ang kamay ko.
[6:12] Gaano man karami sila na gustong magpasikat sa pamamagitan ng laman, pinipilit lang nila kayong magpatuli dahil ayaw nilang mausig alang-alang sa krus ni Kristo.
[6:13] Dahil sila rin mismo na mga tuli ay hindi tumutupad sa Batas; sa kabila nito ay gusto nila kayo na magpatuli, para sa pamamagitan ng inyong mga laman ay makapagyabang sila.
[6:14] Pero hindi mangyayari na magmayabang ako sa anumang bagay maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu Kristo, sa pamamagitan Niya ang mundo para sa akin ay ipinako na sa krus, at ako ay ipinako na sa krus para sa mundo.
[6:15] Dahil kay Kristo Jesus, walang halaga ang pagiging tuli, ni ang di pagiging tuli, sa halip ay ang bagong nilikha.
[6:16] At lahat silang lalakad ayon sa pamantayang ito, kapayapaan sa kanila at kaawaan, at para sa Israel ng Diyos.
[6:17] Simula ngayon ay huwag na akong bigyan pa ng pasakit ninuman, dahil dala-dala ko sa pamamagitan ng aking katawan ang mga marka ng Panginoong Jesus.
[6:18] Ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu Kristo ay sumainyong espiritu, mga kapatid. Amen. (Isinulat sa mga taga Galatia mula sa Rome.)