-
Notifications
You must be signed in to change notification settings - Fork 2
/
Copy path04 Juan
879 lines (879 loc) · 127 KB
/
04 Juan
1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
33
34
35
36
37
38
39
40
41
42
43
44
45
46
47
48
49
50
51
52
53
54
55
56
57
58
59
60
61
62
63
64
65
66
67
68
69
70
71
72
73
74
75
76
77
78
79
80
81
82
83
84
85
86
87
88
89
90
91
92
93
94
95
96
97
98
99
100
101
102
103
104
105
106
107
108
109
110
111
112
113
114
115
116
117
118
119
120
121
122
123
124
125
126
127
128
129
130
131
132
133
134
135
136
137
138
139
140
141
142
143
144
145
146
147
148
149
150
151
152
153
154
155
156
157
158
159
160
161
162
163
164
165
166
167
168
169
170
171
172
173
174
175
176
177
178
179
180
181
182
183
184
185
186
187
188
189
190
191
192
193
194
195
196
197
198
199
200
201
202
203
204
205
206
207
208
209
210
211
212
213
214
215
216
217
218
219
220
221
222
223
224
225
226
227
228
229
230
231
232
233
234
235
236
237
238
239
240
241
242
243
244
245
246
247
248
249
250
251
252
253
254
255
256
257
258
259
260
261
262
263
264
265
266
267
268
269
270
271
272
273
274
275
276
277
278
279
280
281
282
283
284
285
286
287
288
289
290
291
292
293
294
295
296
297
298
299
300
301
302
303
304
305
306
307
308
309
310
311
312
313
314
315
316
317
318
319
320
321
322
323
324
325
326
327
328
329
330
331
332
333
334
335
336
337
338
339
340
341
342
343
344
345
346
347
348
349
350
351
352
353
354
355
356
357
358
359
360
361
362
363
364
365
366
367
368
369
370
371
372
373
374
375
376
377
378
379
380
381
382
383
384
385
386
387
388
389
390
391
392
393
394
395
396
397
398
399
400
401
402
403
404
405
406
407
408
409
410
411
412
413
414
415
416
417
418
419
420
421
422
423
424
425
426
427
428
429
430
431
432
433
434
435
436
437
438
439
440
441
442
443
444
445
446
447
448
449
450
451
452
453
454
455
456
457
458
459
460
461
462
463
464
465
466
467
468
469
470
471
472
473
474
475
476
477
478
479
480
481
482
483
484
485
486
487
488
489
490
491
492
493
494
495
496
497
498
499
500
501
502
503
504
505
506
507
508
509
510
511
512
513
514
515
516
517
518
519
520
521
522
523
524
525
526
527
528
529
530
531
532
533
534
535
536
537
538
539
540
541
542
543
544
545
546
547
548
549
550
551
552
553
554
555
556
557
558
559
560
561
562
563
564
565
566
567
568
569
570
571
572
573
574
575
576
577
578
579
580
581
582
583
584
585
586
587
588
589
590
591
592
593
594
595
596
597
598
599
600
601
602
603
604
605
606
607
608
609
610
611
612
613
614
615
616
617
618
619
620
621
622
623
624
625
626
627
628
629
630
631
632
633
634
635
636
637
638
639
640
641
642
643
644
645
646
647
648
649
650
651
652
653
654
655
656
657
658
659
660
661
662
663
664
665
666
667
668
669
670
671
672
673
674
675
676
677
678
679
680
681
682
683
684
685
686
687
688
689
690
691
692
693
694
695
696
697
698
699
700
701
702
703
704
705
706
707
708
709
710
711
712
713
714
715
716
717
718
719
720
721
722
723
724
725
726
727
728
729
730
731
732
733
734
735
736
737
738
739
740
741
742
743
744
745
746
747
748
749
750
751
752
753
754
755
756
757
758
759
760
761
762
763
764
765
766
767
768
769
770
771
772
773
774
775
776
777
778
779
780
781
782
783
784
785
786
787
788
789
790
791
792
793
794
795
796
797
798
799
800
801
802
803
804
805
806
807
808
809
810
811
812
813
814
815
816
817
818
819
820
821
822
823
824
825
826
827
828
829
830
831
832
833
834
835
836
837
838
839
840
841
842
843
844
845
846
847
848
849
850
851
852
853
854
855
856
857
858
859
860
861
862
863
864
865
866
867
868
869
870
871
872
873
874
875
876
877
878
879
[1:1] Sa umpisa ay mayroon nang Salita. At ang Salita ay kasakasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
[1:2] Ito ay kasama na ng Diyos noong una.
[1:3] Lahat ng bagay ay nagawa sa pamamagitan Niya, at kundi sa Kanya, wala ni isang bagay na nagawa ang nagawa.
[1:4] Nasa Kanya ang Buhay, at itong Buhay ang siyang liwanag ng sangkatauhan.
[1:5] At ang liwanag ay nagniningning sa gitna ng dilim pero ang kadiliman ay hindi ito naintindihan.
[1:6] May isang tao ang ipinadala mula sa Diyos, ang pangalan niya ay Juan.
[1:7] Siya ay dumating bilang saksi, para ipatotoo niya ang tungkol sa Liwanag, nang sa gayun lahat ay manampalataya sa pamamagitan niya.
[1:8] Hindi siya ang Liwanag na iyon; kundi siya'y pinadala para magpatotoo tungkol sa Liwanag.
[1:9] Ito ang tunay na Liwanag na nagbibigay liwanag sa bawat taong dumarating sa loob ng sanlibutan.
[1:10] Siya ay nasa loob na ng sanlibutan, at kahit pa ginawa ang sanlibutan sa pamamagitan Niya, hindi rin Siya kinilala ng sanlibutan.
[1:11] Dumating Siya sa Kanyang mga personal na pag-aari, ngunit hindi nila Siya tinanggap.
[1:12] Pero sa lahat ng tumanggap sa Kanya - ibinigay Niya sa kanila ang kapangyarihang maging mga anak ng Diyos - ibig sabihin ay sa mga sumasampalataya sa pangalan Niya.
[1:13] Ang kapanganakan nila ay hindi iyong galing sa dugo, o mula sa pagnanasa ng katawan, o mula sa kagustuhan ng lalake, kundi iyong nagmula sa Diyos.
[1:14] At ang Salita ay ginawang laman at nanirahan sa kalagitnaan namin. Nakita rin namin ang kaluwalhatian Niya, kaluwalhatian na katulad ng kaisa-isang isinilang ng Ama, punong-puno ng kagandahang loob at katotohanan.
[1:15] Nagpatotoo si Juan patungkol sa Kanya at pasigaw na sinabi, "Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko, 'Ang dumating na kasunod ko ay naging higit kaysa sa akin dahil Siya ay nauna sa akin.'"
[1:16] At tumanggap kaming lahat mula sa kasaganahan Niya; samakatuwid, kagandahang-loob na kapalit ng kagandahang-loob,
[1:17] sapagkat ang Batas ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
[1:18] Kailanman ay wala pang nakakita sa Diyos. Ang kaisa-isang isinilang na Diyos na nakapatong sa dibdib ng Ama - Ito ang nagpakilala sa Kanya.
[1:19] At ito ang testimonya ni Juan nang magpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem para kuwestyunin siya. Tanong nila, "Ikaw, sino ka?"
[1:20] At ipinahayag niya at hindi niya ipinagkaila, kundi talagang sinabi niya sa madla na, "Hindi ako ang Kristo."
[1:21] At tinanong nila siya, "Kung ganoon ay sino? Si Elias ka ba?" At sumagot siya, "Hindi ako." Tanong pa nila, "Ikaw ba ang Propeta?" At sinagot niya, "Hindi."
[1:22] Kaya naman sinabi nila sa kanya, "Sino ka ba talaga? Para naman may maisasagot kami sa mga nagpadala sa amin. Anung masasabi mo tungkol sa iyong sarili?"
[1:23] Sumagot siya, "Ako ang tinig ng sumisigaw sa gitna ng ilang, 'Ayusin niyo ang daraanan ng Panginoon!'" ayon sa sinabi ni propeta Isaias.
[1:24] At ang mga pinadala ay galing sa mga Pariseo.
[1:25] Kaya't tinanong nila Siya at sinabi nila sa Kanya, "Pero bakit ka naglulublob kung hindi naman pala ikaw ang Kristo, o si Elias, o Ang Propeta?"
[1:26] Sinagot sila ni Juan at sinabi, "Naglulublob nga ako sa tubig, ngunit sa kalagitnaan niyo ay may Isang nakatayo na hindi niyo kilala.
[1:27] Siya iyon na kasunod kong dumarating, na Siyang mas dakila sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng Kanyang sandalyas.
[1:28] Nangyari ang mga bagay na ito sa Betabara sa kabilang dako ng Jordan kung saan naglulublob si Juan.
[1:29] Sumunod na araw nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya. At sinabi niya, "Tignan niyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis sa kasalanan ng mundo!
[1:30] Siya itong tinutukoy ko nang sabihin ko, 'Pagkatapos ko'y may parating na isang lalake na mas dakila sa akin, dahil Siya'y dumating bago pa sa akin.'
[1:31] At ako, hindi ko Siya lubos na nakikilala, pero ang dahilan kaya ako pumaritong naglulublob sa tubig ay para maihayag Siya sa Israel.
[1:32] At nagpatotoo si Juan na nagsabing, "Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit na parang isang kalapati at ito'y nangibabaw at nanatili sa Kanya.
[1:33] At ako, hindi ko Siya lubusang kilala, pero ang nagpadala sa akin para maglublob sa tubig, Siya ang nagsabi sa akin, 'Kung kanino mo makita ang Espiritung lumalapag at sa Kanya ay nananatili, Siya ang naglulublob sa Banal na Espiritu.'
[1:34] At ako, nakita ko at nasaksihan ko na Siya nga ang Anak ng Diyos."
[1:35] Kinabukasan uli, si Juan at ang dalawa sa mga estudyante niya ay nakatayo;
[1:36] at nang makita si Jesus na naglalakad, sinabi niya sa kanila, "Tignan niyo, ang Kordero ng Diyos!"
[1:37] At narinig siyang magsalita ng dalawang estudyante, kaya't sumunod sila kay Jesus.
[1:38] Pero nang lumingon si Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi Niya sa kanila, "Ano ang sadya ninyo?" At sinabi nila sa Kanya, "Rabay (kapag isinalin, ang ibig sabihin ay Guro), saan po kayo nanunuluyan?"
[1:39] Sabi Niya sa kanila, "Halikayo, at tignan niyo." Nagpunta sila at nakita nila kung saan Siya tumutuloy at nanatili sila roon kasama Niya nang araw na iyon. At ang oras na iyon ay mag a-alas kwatro ng hapon.
[1:40] Ang isa sa dalawa na nakarinig kay Juan at sumama sa Kanya ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
[1:41] Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya rito, "Natagpuan namin ang Mesias!" (na ang ibig sabihin ay, 'Ang Kristo').
[1:42] At siya'y dinala niya papunta kay Jesus. At nang tignan siya ni Jesus ay sinabi Nito, "Ikaw si Simon na anak ni Jona. Ikaw ay tatawaging Kefas." (na ang ibig sabihin ay bato.)
[1:43] Sumunod na araw, nagpasya si Jesus na umalis papunta ng Galilee, at nakita Niya si Felipe at sabi Niya dito, "Sumama ka sa akin."
[1:44] At itong si Felipe ay mula sa Bethsaida, ang lungsod kung saan galing sina Andres at Pedro.
[1:45] Natagpuan ni Felipe si Nataniel at sinabi sa kanya, "Natagpuan namin Iyong isinulat ni Moises na nakapaloob sa Batas at sa mga Propeta - si Jesus na tubong Nazareth, ang lalaking anak ni Jose."
[1:46] At sinabi ni Nataniel sa kanya, "May mabuting bagay bang pwedeng manggaling sa Nazareth?" Sabi sa kanya ni Felipe, "Halika, at tignan mo."
[1:47] Nakita ni Jesus si Nataniel na lumalapit papunta sa Kanya at nagsalita Siya tungkol dito, "Tignan mo, isang totoong Israelita, kung saan ay walang pandaraya!"
[1:48] Sabi sa Kanya ni Nataniel, "Paano po Ninyo ako nakilala?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos."
[1:49] Sumagot si Nataniel at sinabi sa Kanya, "Guro, Kayo po ang Anak ng Diyos; Kayo po ang Hari ng Israel."
[1:50] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya. "Nananalig ka ba dahil sinabi Ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakakita ka pa ng mga mas matitinding bagay kaysa rito."
[1:51] At sinabi pa Niya dito, "Totoong totoo ang sinasabi ko sa inyo; mula ngayon, makikita niyo ang langit na nakabukas at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa kung nasaan ang Anak ng Tao."
[2:1] At nang ikatlong araw may kasalang ginanap sa Cana ng Galilee at ang ina ni Jesus ay naroon.
[2:2] At imbitado rin si Jesus at ang Kanyang mga estudyante sa kasalan.
[2:3] Pero nang maubos na ang katas ng ubas, sinabi ng ina ni Jesus sa Kanya, "Wala na silang inumin!"
[2:4] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ginang, ano ang kinalaman Ko sa iyo? Ang oras Ko ay hindi pa dumarating."
[2:5] Sinabi ng Kanyang ina sa mga nagsisilbi, "Gawin niyo na lang ano man ang sabihin Niya sa inyo."
[2:6] At mayroon doong nakatabing anim na tapayang bato para sa paghuhugas ng mga Judio. Naglalaman ito ng dalawa o tatlong baldeng tubig kada isa.
[2:7] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Punuin niyo ng tubig ang mga tapayan." At nilagyan nga nila ang mga ito hanggang sa mapuno.
[2:8] At sabi pa Niya sa kanila, "Sumalok kayo ngayon at dalhin niyo sa namamahala ng handaan." At dinala nga nila doon.
[2:9] At nang matikman ng namamahala sa handaan ang tubig na naging katas ng ubas, (pero di niya alam kung saan ito galing, pero alam ng mga nagsisilbi na sumalok ng tubig), tinawag ng namamahala sa handaan ang lalaking bagong kasal,
[2:10] at sinabi niya rito, "Bawat tao ay hinahain muna ang magandang klaseng inumin at kapag sila ay nalasing na, yung mababang klase naman. Pero ikaw, pinahain mo pa rin ang magandang klaseng inumin hanggang ngayon!"
[2:11] Ito ang simula ng mga senyales na ginawa ni Jesus, sa Cana ng Galilee, na ipinakita Niya ang Kanyang kaluwalhatian; at ang mga estudyante Niya ay nanalig sa Kanya.
[2:12] Pagkatapos nito ay bumaba Siya patungong Capernaum, Siya at ang Kanyang ina, at ang Kanyang mga kapatid, kasama ang mga estudyante Niya. Pero nanatili sila roon ng ilang araw lamang.
[2:13] Nang papalapit na ang Paskua ng mga Judio, umakyat din si Jesus papuntang Jerusalem,
[2:14] at natagpuan Niya sa loob ng templo ang mga nagtitinda ng mga baka, at mga tupa, at mga kalapati, pati na ang mga tagapamalit ng pera na nakaupo.
[2:15] At pagkatapos Niyang gumawa ng latigong mula sa lubid, silang lahat ay pinagtabuyan Niya palabas ng templo, pati na ang mga tupa at ang mga baka, at tinapon Niya ang pera ng mga bankero, at tinaob Niya ang mga lamesa.
[2:16] At sinabi Niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati, "Tanggalin niyo ang mga iyan mula sa lugar na ito. Huwag niyong gawing palengke ang tahanan ng Ama Ko."
[2:17] At naalala ng mga estudyante Niya na naisulat ito, "Ang pagmamahal sa tahanan Mo ang nagpa-apoy sa Akin."
[2:18] Kaya't sumagot ang mga Judio at sinabi nila sa Kanya, "Anung senyales ang maipapakita Mo sa amin na magbibigay karapatan sa Iyo para gawin Mo ang mga bagay na ito?"
[2:19] Sumagot si Jesus at sinabi Niya sa kanila, "Gibain niyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo Ko ito."
[2:20] Kaya't sumagot ang mga Judio. "46 na taon ang pagpapatayo ng templong ito at itatayo mo lang ito sa loob ng tatlong araw?"
[2:21] Pero itong binabanggit Niya ay may kaugnayan sa templo ng Kanyang katawan.
[2:22] Kaya't nang Siya ay ibinangon mula sa mga patay, naalala ng mga estudyante Niya na sinabi Niya ito sa kanila at nanampalataya sila sa Biblia at sa salita na sinabi ni Jesus.
[2:23] Ngayon, habang Siya ay nasa Jerusalem, sa panahon ng Paskua, sa gitna ng Pista, marami ang nanampalataya sa Kanyang pangalan nang makita nila ang mga senyales na ginagawa Niya.
[2:24] Pero si Jesus mismo, hindi Niya ipinagkakatiwala ang Kanyang sarili sa kanila dahil nakikilala Niya ang lahat.
[2:25] at dahil hindi kailangan na mayroon pang magpatotoo tungkol sa tao, dahil Siya mismo, nalalaman Niya ang nasa kalooban ng tao.
[3:1] Ngayon, may isang taong mula sa mga Pariseo, ang pangalan niya ay Nicodemo - isang mataas na opisyal ng mga Judio.
[3:2] Siya ay nagpunta kay Jesus isang gabi at sinabi niya dito, "Guro, alam po namin na Kayo ay isang mangangaral na pumarito galing sa Diyos, dahil wala pong kayang gumawa ng mga senyales na ito na ginagawa Niyo, maliban sa ang Diyos ay kasama Niya."
[3:3] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Totoong, totoo ang sasabihin Ko sa iyo, maliban sa maipanganak na muli ang sinuman, wala siyang kakayanang maranasan ang Kaharian ng Diyos."
[3:4] Sinabi sa Kanya ni Nicodemo, "Paano po kakayanin ng isang tao na maipanganak pa kung may edad na? Hindi niya kayang pumasok ng ikalawang beses sa loob ng sinapupunan ng nanay niya at maipanganak!"
[3:5] Sumagot si Jesus, "Totoong, totoo ang sinasabi Ko sa iyo, maliban sa ang isang tao ay ipanganak sa tubig at sa Espiritu, hindi niya kayang pumasok sa loob ng Kaharian ng Diyos.
[3:6] Ang ipinanganak mula sa laman ay laman, at ang ipinanganak mula sa Espiritu ay espiritu.
[3:7] Huwag kang magtaka na sinabi Ko sa iyo, na kailangan kayong ipanganak na muli.
[3:8] Umiihip ang hangin saan man nito gusto, at naririnig mo ang huni nito, pero di mo alam kung saan ito nanggagaling at saan ito papunta. Ganoon din ang bawat isa na ipinanganak mula sa Espiritu."
[3:9] Sumagot si Nicodemo at sinabi sa Kanya, "Sa anung paraan po pwedeng mangyari ang mga bagay na ito?"
[3:10] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Ikaw itong mangangaral ng Israel at hindi mo nalalaman ang mga bagay na ito?"
[3:11] Totoong, totoo ang sinasabi Ko sa iyo na sinasabi namin ang alam namin, at nagpapatotoo kami sa mga nakita namin; pero ang patotoo namin ay hindi niyo tinatanggap.
[3:12] Kung nagsalita Ako sa inyo ng mga bagay na patungkol sa lupang ibabaw at hindi kayo makapaniwala, paano pa kayo maniniwala kung magbanggit Ako sa inyo ng mga bagay patungkol sa langit?
[3:13] At wala pang naka akyat papunta sa langit kung hindi sa Kanya na bumaba mula sa langit - ang Anak ng Tao na nasa loob ng langit.
[3:14] At kung paano itinaas ni Moises ang ahas sa gitna ng ilang, gayun din naman kailangan na itaas ang Anak ng Tao,
[3:15] para ang bawat isang nananalig sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng walang hanggang Buhay.
[3:16] Dahil sa ganitong paraan minahal ng Diyos ang sanlibutan, na nagawa Niyang ibigay ang Kanyang kaisa-isang isinilang na Anak, para ang bawat isang nananalig sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng walang hanggang Buhay.
[3:17] Dahil hindi ipinadala ng Diyos ang Anak Niya sa mundo para hatulang maparusahan ang mundo, kundi para maligtas ang mundo sa pamamagitan Niya.
[3:18] Ang nananampalataya sa Kanya ay hindi na hinahatulang maparusahan, pero ang hindi nananampalataya ay hinatulan nang maparusahan dahil hindi siya nanampalataya sa pangalan ng kaisa-isang isinilang na Anak ng Diyos.
[3:19] At ang hatol ay ito: na ang Liwanag ay dumating sa mundo, pero minahal ng mga tao ang kadiliman imbes na ang kaliwanagan dahil ang kanilang mga gawa ay masama.
[3:20] Dahil bawat isa na gumagawa ng masama ay namumuhi sa liwanag at hindi siya lumalapit papunta sa liwanag para hindi mapulaan ang kanyang mga gawa.
[3:21] Pero ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit papunta sa liwanag para mahayag ang kanyang mga gawa, dahil ang mga ito ay nagawa sa tulong ng Diyos."
[3:22] Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus at ang mga estudyante Niya sa loob ng lupain ng Judea, at doon Siya namalagi at naglublob kasama nila.
[3:23] At si Juan din ay naglulublob sa gitna ng Aenon malapit sa Salim, dahil ang tubig doon ay sagana. At nagpuntahan sila at nagpalublob,
[3:24] dahil hindi pa noon napiit sa loob ng bilangguan si Juan.
[3:25] Kaya't nagkaroon ng debate mula sa mga estudyante ni Juan kasama ang ilang mga Judio tungkol sa paghuhugas.
[3:26] At lumapit sila papunta kay Juan at sinabi sa kanya, "Rabbi, yung nakasama po ninyo sa kabilang ibayo ng Jordan na inyong ipinatotoo - tignan niyo, Siya ay naglulublob at ang lahat po'y nagpupunta na sa Kanya!"
[3:27] Sumagot si Juan at sinabi niya, "Walang tao ang kayang tumanggap, wala ni isa, kung hindi ito ipagkaloob sa kanya mula sa langit.
[3:28] Kayo mismo ang makapagpapatunay sa akin na sinabi ko, 'Hindi ako ang Kristo, subalit ako'y ipinadala para mauna sa Kanya.'
[3:29] Siya ang lalaking ikinakasal na nagmamay-ari sa babaing ikinakasal. Pero ang kaibigan ng lalaking ikinakasal na naghihintay at nakikinig sa kanya ay masayang nagdiriwang dahil sa boses ng lalaking ikinakasal. Kaya't itong kasiyahan na nasa akin ay nakumpleto na.
[3:30] Kinakailangan Siyang lumago; at ako naman ay mawalan.
[3:31] Ang dumating mula sa itaas ay mataas sa lahat. Ang nanggaling sa lupa ay makalupa, at galing sa lupa ang sinasabi niya. Ang dumating mula sa langit ay mataas sa lahat.
[3:32] At ang nakita at narinig Niya, ito ang Kanyang ipinapatotoo, pero walang tumatanggap sa Kanyang testimoniya.
[3:33] Ang tumanggap sa Kanyang testimoniya ay nagpatunay na ang Diyos ay totoo.
[3:34] Dahil ang ipinadala ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, yamang walang sukat ang Diyos magbigay ng Espiritu.
[3:35] Minamahal ng Ama ang Anak at iniatang sa Kanyang kamay ang lahat ng bagay.
[3:36] Ang nananalig sa Anak ay may walang hanggang Buhay, ngunit ang hindi nananalig sa Anak ay di makakaranas ng Buhay. Bukod pa rito, ang galit ng Diyos ay nananatili sa kanya.
[4:1] Kaya't nang malaman ng Panginoon na nabalitaan ng mga Pariseo na gumagawa at naglulublob ng mas maraming estudyante si Jesus kaysa kay Juan,
[4:2] (bagamat hindi si Jesus mismo ang naglulublob kundi ang mga estudyante Niya.)
[4:3] umalis Siya sa Judea at nagpunta uli sa loob ng Galilee,
[4:4] pero dapat muna Siyang dumaan sa gitna ng Samaria.
[4:5] Kaya't Siya'y nakarating sa lungsod ng Samaria na kung tawagin ay Sicar, malapit sa lupain na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.
[4:6] At nandoon ang balon ni Jacob. Kaya naman, nang si Jesus ay mapagod mula sa paglalakbay, naupo Siya sa tabi ng balon. Magtatanghaliang tapat na nang oras na iyon.
[4:7] May dumating na isang babaing mula sa Samaria, para mag-igib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Bigyan mo nga Ako ng maiinom."
[4:8] (Umalis kasi ang mga estudyante Niya papunta sa bayan para bumili ng pagkain.)
[4:9] Kaya naman sabi sa Kanya ng babaing Samaritano, "Paanong nangyari na Ikaw na isang Judio ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana?" (Hindi kasi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.)
[4:10] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Kung alam mo lang ang regalo ng Diyos at kung Sino ito na nagsasabi sa iyo, 'Bigyan mo nga Ako ng maiinom,' baka ikaw pa ang humingi sa Kanya at Siya pa ang magbigay sa iyo ng buháy na tubig."
[4:11] Sabi sa Kanya ng babae, "Panginoon, wala po Kayong pansalok at ang balon ay malalim. Kaya saan po Ninyo kukunin iyang buháy na tubig?
[4:12] Hindi Kayo mas dakila kaysa sa ama naming si Jacob na nagbigay sa amin nitong balon at mismong uminom mula rito pati na ang mga anak niya, at ang mga alagang hayop niya!"
[4:13] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Bawat isang umiinom galing sa tubig na ito ay muling mauuhaw,
[4:14] pero ang sinumang uminom galing sa tubig na ibibigay Ko sa kanya ay hinding-hindi na mauuhaw magpakailanman. Bukod pa rito, ang tubig na ibibigay Ko sa kanya ay magiging bukal ng tubig sa kanyang kalooban na sumisirit patungo sa walang hanggang Buhay."
[4:15] Sabi ng ginang sa Kanya, "Panginoon, ibigay Niyo po sa akin itong tubig na ito para di nako mauhaw ni pumunta pa rito para mag-igib!"
[4:16] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Umuwi ka, tawagin mo ang asawa mo, at bumalik ka dito."
[4:17] Sumagot ang ginang at sinabi, "Wala po akong asawa," Sinabi sa kanya ni Jesus, "Magaling ang sinabi mong, 'Wala akong asawa,'
[4:18] dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at itong kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga itong sinabi mo.
[4:19] Sinabi sa Kanya ng babae, "Panginoon, sa tingin ko po ay isa Kayong propeta!
[4:20] Ang mga ama namin ay sumamba sa gitna ng bundok na ito, pero kayo, sinasabi niyo na ang lugar kung saan nararapat sumamba ay sa loob ng Jerusalem.
[4:21] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maniwala ka sa Akin, Ginang, na parating na ang oras kung saan di na sa gitna ng bundok na ito ni sa loob ng Jerusalem kayo sasamba sa Ama.
[4:22] Kayo, sumasamba kayo sa di ninyo kilala; kami, kilala namin ang sinasamba namin dahil ang kaligtasan ay galing sa mga Judio.
[4:23] Pero parating na ang oras, at ngayon na iyon, kung kailan ang mga totoong mananamba ay sasambahin ang Ama sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan, dahil rin naghahanap ang Ama ng mga ganitong sasamba sa Kanya.
[4:24] Espiritu ang Diyos, at ang mga sumasamba sa Kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan."
[4:25] Sinabi sa Kanya ng babae, "Alam ko na ang Mesias (na tinatawag na Kristo) ay parating. Kapag dumating na Siya, sasabihin Niya sa atin ang lahat ng bagay."
[4:26] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ako na Siya na nagsasalita sa iyo."
[4:27] At sa sandaling iyon ay dumating ang mga estudyante Niya at nagtaka sila na nakikipag-usap Siya sa ginang. Pero walang nagsabi, "Ano po ba ang hinahanap Niyo?" o, "Bakit po Kayo nakikipag-usap sa kanya?"
[4:28] Pagkatapos, iniwan ng ginang ang lalagyan niya ng tubig, at pumunta sa loob ng lungsod sabay sinabi sa mga tao,
[4:29] "Halikayo, kilalanin niyo ang tao na nagsabi sa akin lahat ng bagay na ginawa ko, gaano man karami! Ito na kaya ang Kristo?"
[4:30] Kaya't nagpunta sila sa labas ng lungsod at nagsilapit sa Kanya.
[4:31] Pero samantala, nakikiusap sa Kanya ang mga estudyante habang sinasabi, "Guro, kain na po!"
[4:32] Pero sinabi Niya sa kanila, "May pagkain Ako na makakain na hindi niyo alam."
[4:33] Kaya't nagsalita ang mga estudyante sa isa't isa, "Wala namang nagdala sa Kanya ng makakain?"
[4:34] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang Aking pagkain ay ang gawin Ko ang kagustuhan ng nagpadala sa Akin at tapusin ang Kanyang trabaho."
[4:35] Di ba sinasabi niyo na, "May apat na buwan pa at darating na ang anihan." Sinasabi ko sa inyo, tumingin kayo sa malayo at pagmasdan ang mga bukid, dahil hinog na ang mga ito para sa anihan.
[4:36] At ang umaani ay tumatanggap ng gantimpala at nagtitipon ng bunga patungo sa walang hanggang Buhay, at para ang nagtatanim at ang umaani ay magkasamang magdiwang.
[4:37] Dahil dito ang isang kasabihang ito ay totoo na, 'Iba ang nagtatanim at iba naman ang gumagapas.'
[4:38] Pinadala Ko kayo para anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod at kayo ay nakisali sa pinaghirapan nila."
[4:39] At marami sa mga Samaritano mula sa lungsod na iyon ang nanampalataya sa Kanya dahil sa salita ng babaing nagpatotoo na, "Sinabi Niya sa akin lahat ng bagay na ginawa ko, gaano man karami!"
[4:40] Kaya nang maglapitan sa Kanya ang mga Samaritano, nakiusap silang manatili muna Siya kasama nila, at nanatili nga Siya roon ng dalawang araw.
[4:41] At mas marami pa ang nanampalataya dahil sa mga salita Niya,
[4:42] At bukod pa rito sinabi nila sa babae na, "Hindi lang kami naniniwala sa pamamagitan ng kuwento mo; dahil kami mismo ay nakarinig at alam na namin na ito na nga ang totoong Tagapagligtas ng buong mundo, ang Kristo.
[4:43] Pero pagkatapos ng dalawang araw ay umalis na Siya roon at nagpunta papasok ng Galilee.
[4:44] Dahil si Jesus mismo ay nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalang tinatanggap sa loob ng kanyang sariling kinalakihang bayan.
[4:45] Kaya't nang dumating Siya sa loob ng Galilee, pinaunlakan Siya ng mga Galilenyo na nakakita sa lahat ng Kanyang ginawa sa Jerusalem sa kalagitnaan ng pista. Nagpunta rin kasi sila sa pista.
[4:46] Kaya't muling nagpunta si Jesus papasok sa Cana ng Galilee kung saan ginawa Niyang katas ng ubas ang tubig. At doo'y may isang opisyal ng palasyo na ang lalaking anak na nasa Capernaum ay may karamdaman.
[4:47] Nang marinig niya na si Jesus ay parating mula sa Judea papunta sa Galilee, nagpunta ito sa Kanya at nakiusap na Siya'y bumaba at pagalingin ang kanyang anak na lalake dahil sa malapit na itong mamatay.
[4:48] Kaya't sinabi ni Jesus sa kanya, "Kung hindi kayo makakita ng mga senyales at kamangha-manghang gawa, hinding-hindi talaga kayo mananampalataya."
[4:49] Sinabi sa Kanya ng opisyal, "Panginoon, bumaba na po Kayo bago pa mamatay ang anak ko!"
[4:50] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Umuwi ka na. Buháy na ang anak mo." At nanalig ang taong ito sa salita na sinabi sa kanya ni Jesus at umalis.
[4:51] Pero habang pababa na siya, sinalubong siya ng mga alipin niya para ibalita at sabihing, "Buháy na po ang anak niyo!"
[4:52] Kaya't inalam niya mula sa kanila sa kung anung oras bumuti ang kalagayan nito, at sinabi nila sa kanya na, "Nawala po ang lagnat niya kahapon ng ala una."
[4:53] Kaya't natukoy ng ama na iyon nga ang oras kung kailan sinabi sa kanya ni Jesus na, "Buháy na ang anak mo." At nanampalataya siya at ang kanyang buong pamilya.
[4:54] Ito ang pangalawang ulit na senyales na ginawa ni Jesus pagkagaling mula sa Judea papunta ng Galilee.
[5:1] Pagkatapos ng mga ito ay mayroong pista ang mga Judio, at umakyat si Jesus sa Jerusalem.
[5:2] Ngayon, may isang paliguan sa loob ng Jerusalem malapit sa pasukan ng mga Tupa, na kung tawagin sa Hebreo ay Bethesda. Mayroon itong limang posteng may bubungan.
[5:3] Sa loob ng mga ito ay nakaratay ang napakaraming taong may kapansanan, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa paggalaw ng tubig,
[5:4] dahil may anghel na bumababa sa loob ng paliguan ayon sa tinakdang panahon at ginagalaw ang tubig; kaya naman, ang maunang lumusong matapos ang paggalaw ng tubig ay gumagaling sa anumang karamdamang taglay nito.
[5:5] At may isang tao doon na 38 taon nang may dinadalang karamdaman.
[5:6] Nang makita siya ni Jesus na nakaratay at nalaman na matagal na panahon na siyang nasa ganitong kalagayan, sinabi Niya rito, "Gusto mo bang gumaling?"
[5:7] Sinagot Siya ng may kapansanan, "Ginoo, wala po akong katulong na maglagay sa akin papunta sa gitna nitong paliguan, kapag ginalaw na po ang tubig. Pero papalapit pa lang ako ay may iba nang nauuna sa aking bumaba."
[5:8] Sinabi ni Jesus sa kanya, "Bumangon ka; buhatin mo ang banig mo at maglakad ka."
[5:9] At biglang gumaling itong mama; tapos ay binuhat ang banig niya at naglakad. Pero ang araw na iyon ay Araw ng Pamamahinga,
[5:10] kaya't sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, "Araw ng Pamamahinga ngayon di ba? Bawal kang magbitbit ng banig!"
[5:11] Sinagot niya sila, "Ang nagpagaling po sa akin, Siya ang nagsabi sa aking, 'Buhatin mo ang banig mo at maglakad ka.'
[5:12] Kaya't tinanong nila siya, "Sino ba ang tao na nagsabi sa iyo, 'Buhatin mo ang banig mo at maglakad ka?'
[5:13] Pero hindi nakilala ng pinagaling kung sino iyon, dahil mabilis na nakapuslit si Jesus sa gitna ng makapal na tao sa lugar na iyon.
[5:14] Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa loob ng templo at sinabi sa kanya, "Kita mo, magaling ka na. Tumigil ka na sa pagkakasala para wala nang mangyari pang mas masama sa iyo."
[5:15] Umalis ang lalaki at sinabi niya sa mga Judio na si Jesus ang Siyang nagpagaling sa kanya.
[5:16] At dahil dito, inuusig si Jesus ng mga Judio at naghahanap sila ng paraan na patayin Siya, dahil ginagawa Niya ang mga bagay na ito sa Araw ng Pamamahinga.
[5:17] Pero sumagot si Jesus sa kanila, "Ang Ama Ko ay kumikilos hanggang ngayon, kaya Ako rin ay kumikilos."
[5:18] Kaya naman, dahil dito lalong tumindi ang hangarin ng mga Judio na patayin Siya; dahil hindi lang Siya lumalabag sa Araw ng Pamamahinga, kundi ay tinatawag pa Niyang sariling Ama Niya ang Diyos - ginagawa Niyang kapantay ang sarili Niya sa Diyos.
[5:19] Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, walang kayang gawin ang Anak na galing sa Kanyang sarili. Wala, maliban sa may makita Siyang ginagawa ang Ama, dahil anuman ang ginagawa Niya, ang mga ito ay parehas ding ginagawa ng Anak.
[5:20] Dahil mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita sa Kanya ang lahat ng Kanyang ginagawa, at higit pa sa mga ito ang ipapakita Niya sa Kanya na mga gawain para kayo ay mamangha.
[5:21] Dahil kung paano ang Ama ay nagbabangon at nagbibigay buhay sa mga patay, gayon din naman ang Anak ay nagbibigay-buhay sa sinumang maibigan Niya.
[5:22] Hindi na kasi humahatol kanino man ang Ama, kundi ay ipinagkatiwala na Niya ang lahat ng paghatol sa Anak,
[5:23] upang ang lahat ay igalang ang Anak kung paano nila ginagalang ang Ama. Ang hindi gumagalang sa Anak ay hindi gumagalang sa Ama na nagpadala sa Kanya.
[5:24] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na ang nakikinig sa salita Ko, at nananalig sa nagpadala sa Akin ay may walang hanggang Buhay, at hindi na siya haharap sa kahatulan kundi nakatawid na siya mula sa Kamatayan patungo sa Buhay.
[5:25] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na dumarating na ang oras at ngayon na iyon, na ang mga patay ay makakarinig ng boses ng Anak ng Diyos at ang mga nakinig ay mabubuhay.
[5:26] Dahil kung paano ang Ama ay may taglay na Buhay sa Kanyang sarili, gayon din naman ipinagkaloob Niya sa Anak na magtaglay ng Buhay sa Kanyang sarili,
[5:27] at ibinigay din sa Kanya ang kapangyarihang magbitaw ng hatol dahil Siya ang Anak ng Tao.
[5:28] Huwag kayong mamangha sa bagay na ito dahil darating ang oras kung saan lahat ng mga nasa loob ng mga libingan ay maririnig ang Kanyang boses
[5:29] at magsisilabasan - ang mga gumawa ng mabuti ay babangon patungo sa Buhay, at ang mga gumawa ng masama ay babangon patungo sa kaparusahan.
[5:30] Wala Akong kakayahang gumawa mula sa Aking sarili. Wala. Humahatol Ako ayon sa Aking naririnig, at ang paghatol Kong ito ay matuwid, dahil hindi Ko hangad na gawin ang siyang kagustuhan Ko, kundi ang kagustuhan ng Ama na nagpadala sa Akin.
[5:31] Kung Ako'y nagpapatotoo patungkol sa Aking sarili, ang testimonya Ko ay hindi totoo.
[5:32] May isa pa na nagpapatotoo patungkol sa Akin at alam ko na ang testimoniya na inilalahad niya patungkol sa Akin ay totoo.
[5:33] Nagpadala kayo ng mga mensahero kay Juan at inilahad niya ang katotohanan.
[5:34] Pero hindi sa tumatanggap Ako ng testimoniya galing sa tao, kundi sinasabi Ko ang mga bagay na ito para kayo ay maligtas.
[5:35] Siya itong nag-aapoy at nagliliwanag na lampara. At nagustuhan niyo sa maigsing panahon na magdiwang gamit ang kanyang liwanag.
[5:36] Pero may patotoo Ako na mas matindi pa kay Juan. Dahil ang mga gawain na ibinigay sa Akin ng Ama para tapusin, ang mga gawain na ginagawa Ko, ito ang mga nagpapatotoo patungkol sa Akin na ipinadala Ako ng Ama.
[5:37] At ang Ama na nagpadala sa Akin ang mismong nagpatotoo patungkol sa Akin. Hindi niyo pa narinig ang Kanyang boses ni minsan, o nakita ang Kanyang itsura,
[5:38] pero ang salita Niya ay hindi nananatili sa kalooban niyo, dahil hindi kayo nananalig sa Kanya na ipinadala Niya.
[5:39] Pag-aralan niyo ng maigi ang mga kasulatan sa Biblia, dahil sa palagay niyo sa pamamagitan nila ay mayroon kayong walang hanggang Buhay. Pero sila pa ang mga nagpapatotoo patungkol sa Akin,
[5:40] bukod pa diyan, wala kayong hangarin na lumapit sa Akin para magkaroon kayo ng Buhay.
[5:41] Hindi Ko tinatanggap ang karangalan na nanggagaling sa tao.
[5:42] Ngunit kilala Ko kayo, na wala sa inyong mga sarili ang pag-ibig ng Diyos.
[5:43] Naparito ako gamit ang pangalan ng Ama Ko pero hindi niyo Ako tinatanggap; kung may isang darating gamit ang kanyang sariling pangalan, siya ay tatanggapin niyo.
[5:44] Paano niyo kakayaning manampalataya, kung kayo'y tumatanggap ng parangal mula sa isa't isa, at hindi niyo sinisikap na makamit ang karangalan na nagmumula sa nag-iisang Diyos?
[5:45] Huwag niyong isipin na aakusahan Ko kayo sa harapan ng Ama. May isang nag-aakusa sa inyo, si Moises, kung saan kayo nagtiwala.
[5:46] Dahil kung nananalig kayo kay Moises, dapat sana ay nananalig rin kayo sa Akin, dahil patungkol sa Akin ang isinulat niya.
[5:47] Pero kung hindi kayo nananalig sa kanyang mga isinulat, paano kayo mananalig sa Aking mga salita?"
[6:1] Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng karagatan ng Galilee (o Dagat ng Tiberias),
[6:2] at nagsusunuran sa Kanya ang napakaraming tao dahil nakikita nila ang Kanyang mga senyales na ginagawa Niya sa mga may sakit.
[6:3] At umakyat si Jesus papunta ng bundok at doon Siya naupo kasama ng mga estudyante Niya.
[6:4] Ngayon ay nalalapit na ang Pista ng Paskua ng mga Judio.
[6:5] Kaya't nang mapatingin si Jesus sa malayo at nakita na napakaraming tao ang papalapit sa Kanya, sinabi Niya sa harap ni Felipe, "Saan tayo bibili ng mga tinapay para makakain ang mga ito?"
[6:6] Pero sinabi Niya ito para lang subukin siya dahil alam na Niya ang dapat Niyang gawin.
[6:7] Sinagot Siya ni Felipe, "100,000 pisong halaga ng mga tinapay ay di kakasya sa kanila para ang bawat isa sa kanila ay makatanggap man lang ng isang kapiranggot!"
[6:8] Ang isa sa mga estudyante Niya, si Andres na kapatid ni Simon Pedro, ay sinabi sa Kanya,
[6:9] May isang binatilyo dito na may limang sebadang pandesal at dalawang maliliit na isda, pero paano pagkakasyahin ang mga ito para sa ganito karami?
[6:10] Pero sinabi ni Jesus, "Sikapin ninyong paupuin ang mga tao." Ngayon, maraming damong nakapalibot sa lugar, kaya't naupo sila. Ang bilang ng mga kalalakihan ay aabot sa limang libo.
[6:11] Kaya't kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkatapos magpasalamat, ipinamahagi sa mga estudyante, at ang mga estudyante sa mga nakaupo. Ganoon din ang ginawa sa mga isda, hangga't gusto nila.
[6:12] At nang mabusog na sila, sinabi Niya sa mga estudyante Niya, "Tipunin niyo ang mga pira-pirasong natira para walang masayang."
[6:13] Tinipon nga nila at nakapuno sila ng 12 bayong ng mga pinagpira-pirasong bahagi mula sa limang tinapay na sebada, na tira ng mga nakakain.
[6:14] Kaya't nang makita ng mga tao ang senyales na ginawa ni Jesus, ay sinabi nila, "Ito na ang totoong Propeta na pumarito sa daigdig."
[6:15] Kaya't nang malaman ni Jesus na balak nilang lumapit at pilitin Siyang kunin para gawin nila Siyang hari, mag-isa Siyang umalis muli papunta sa bundok.
[6:16] Pero sa pagsapit ng gabi, bumaba ang mga estudyante Niya papunta sa dagat.
[6:17] At pagkasakay sa loob ng bangka, sila'y naglayag sa kabilang ibayo ng dagat papuntang Capernaum. Pero naging madilim na at hindi pa nakabalik sa kanila si Jesus.
[6:18] At maligalig ang dagat dahil sa pag-ihip ng malakas na hangin.
[6:19] Kaya't nang makapagsagwan ng halos tatlo hanggang tatlo't kalahating milya, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng dagat at malapit nang dumating sa bangka; kaya't kinilabutan sila.
[6:20] Pero sinasabi Niya sa kanila, "Ako ito; huwag kayong matakot."
[6:21] Kaya't pumayag sila na tanggapin Siya sa loob ng bangka, at bigla na lang lumitaw ang bangka sa tapat ng lupain kung saan sila papunta.
[6:22] Sumunod na araw, nang makita ng mga tao na nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na wala nang ibang maliit na bangka roon maliban sa isa na siyang sinakyan ng mga estudyante Niya, dahil hindi rin sumama si Jesus sa mga estudyante Niya sa loob ng maliit na bangka, kundi ay sila-sila lang na mga estudyante Niya ang umalis,
[6:23] (Pero may ibang nagdatingang maliliit na bangka mula sa Tiberias malapit sa lugar kung saan sila kumain ng tinapay matapos ipagpasalamat ng Panginoon.)
[6:24] Kaya't nang makita ng mga tao na wala na si Jesus doon pati ang mga estudyante Niya, sumakay na rin sila sa loob ng mga bangka at nagpunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
[6:25] At nang matagpuan Siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa Kanya, "Guro, kailan pa po kayo dumating dito?"
[6:26] Sinagot sila ni Jesus at sinabi, "Totoong-totoo ang sinasabi ko sa inyo, hinahanap niyo Ako di dahil nakita niyo ang mga senyales, kundi dahil nakakain kayo mula sa mga tinapay at nabusog.
[6:27] Huwag kayong kumayod para sa pagkain na nasisira kundi para sa pagkain na tumatagal hanggang sa Buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, dahil ang Amang Diyos ang nagtatak sa Kanya.
[6:28] Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Ano naman po ang gagawin namin para magawa namin ang mga gawain ng Diyos?"
[6:29] Sumagot si Jesus at sinabi Niya sa kanila, "Ang gawain ng Diyos ay ito: na kayo ay manalig sa Kanya na ipinadala Niya."
[6:30] Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Ano namang senyales ang gagawin Mo para makita namin at manalig kami sa Iyo? Ano ba ang ginagawa Mo?
[6:31] Ang aming mga ama ay kumain ng manna sa gitna ng ilang gaya ng naisulat, 'Ibinigay Niya sa kanila ang tinapay mula sa langit para kainin.'
[6:32] Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang Ama Ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa langit.
[6:33] Dahil ang tinapay ng Diyos ay ang bumaba mula sa langit at nagbibigay ng Buhay sa mundo."
[6:34] Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Panginoon, lagi Niyo po sa aming ibigay ang tinapay na ito."
[6:35] At sinabi ni Jesus sa kanila, "Ako ang tinapay ng Buhay. Ang lumalapit sa Akin ay hinding-hindi magugutom, at ang nananalig sa Akin ay hinding-hindi kailanman mauuhaw.
[6:36] Pero sinabi Ko na sa inyo na nakita niyo rin Ako, pero di kayo nanalig.
[6:37] Lahat ng binibigay sa Akin ng Ama ay lalapit sa Akin, at ang lumalapit sa Akin ay hinding-hindi Ko itataboy palabas.
[6:38] Dahil bumaba Ako mula sa langit di para gawin ang Aking sariling kagustuhan, kundi ang kagustuhan ng nagpadala sa Akin.
[6:39] At ang kagustuhan ng Ama na nagpadala sa Akin ay ito: na hindi Ko mapahamak ang alinman sa lahat ng ibinigay Niya sa Akin, sa halip ay ibabangon Ko siya pagdating ng huling araw.
[6:40] Ito pa ang kagustuhan ng nagpadala sa Akin: na ang lahat ng tumitingin sa Anak, at nananalig sa Kanya ay magkaroon ng walang hanggang Buhay, at ibabangon Ko siya sa huling araw."
[6:41] Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio patungkol sa Kanya dahil sinabi Niya, "Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit."
[6:42] Sinasabi pa nila, "Hindi ba ito yung Jesus na lalaking anak ni Jose, na ang ama at ang ina ay kilala natin? Kaya't paano Niya sasabihin na, 'Bumaba Ako mula sa langit?'"
[6:43] Kaya't sumagot si Jesus at sinabi Niya sa kanila."Huwag na kayong magbulung-bulungan sa isa't isa.
[6:44] Walang kayang lumapit sa Akin kung di siya akayin ng Ama na nagpadala sa Akin, at ibabangon Ko siya sa huling araw.
[6:45] Nakasulat sa loob ng mga Propeta: 'At lahat sila ay tuturuan ng Diyos.' Kaya't lahat ng nakapakinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa Akin.
[6:46] Di dahil mayroon nang nakakita sa Ama; sa halip, ang nagmula sa Diyos - Siya ang nakakita sa Ama.
[6:47] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, ang nananalig sa Akin ay may Buhay na walang hanggan.
[6:48] Ako ang tinapay ng Buhay.
[6:49] Ang mga ama niyo ay kumain ng manna sa gitna ng ilang at namatay.
[6:50] Ang tinapay na bumaba mula sa langit ay ito, na pwedeng kumain mula rito ang sinuman at hindi na mamatay.
[6:51] Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit. Kung sinuman ang kumain mula sa tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay din na ibibigay Ko ay ang laman Ko, na siya Kong ibibigay para sa Buhay ng mundo.
[6:52] Kaya't ang mga Judio ay nagtalu-talo sa isa't isa habang sinasabi, "Paano Niya kakayaning ibigay sa atin ang laman Niya para makain?"
[6:53] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, maliban sa kainin niyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin niyo ang dugo Niya, wala kayong Buhay sa inyong mga sarili.
[6:54] Ang kumakain ng laman Ko at umiinom ng dugo Ko ay may Buhay na walang hanggan, at ibabangon Ko siya sa huling araw.
[6:55] Dahil ang laman Ko ay tunay na pagkain at ang dugo Ko ay tunay na inumin.
[6:56] Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa Akin at Ako naman sa kanya.
[6:57] Kung paanong pinadala Ako ng Amang buháy, at Ako'y nabubuhay dahil sa Ama: gayun din ang kumakain sa Akin, siya rin ay mabubuhay dahil sa Akin.
[6:58] Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi katulad sa kinain na manna ng inyong mga ninuno at sila ay nangamatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman."
[6:59] Sinabi Niya ang mga ito sa loob ng simbahan habang nagtuturo sa Capernaum.
[6:60] Kaya't marami sa Kanyang mga estudyante, matapos mapakinggan ito, ay nagsabing, "Ang hirap naman ng katuruan na ito! Sino ang kayang makapakinig nito?"
[6:61] Pero nang malaman ni Jesus sa Kanyang kalooban na nagbubulong-bulungan patungkol dito ang mga estudyante Niya, sinabi Niya sa kanila, "Natisod ba kayo nito?
[6:62] Paano ngayon kung makita niyo ang Anak ng Tao na bumalik kung nasaan Siya noong una?
[6:63] Ang Espiritu ang Siyang bumubuhay; walang pakinabang ang laman. Wala. Ang mga salita na sinasabi Ko sa inyo: ito ay Espiritu at ito ay Buhay,
[6:64] pero may mga ilan sa inyo na hindi nananalig." Kilala kasi ni Jesus sa simula pa lang kung sino sa kanila ang hindi nananalig at kung sino ang magiging traydor sa Kanya.
[6:65] Sinabi pa Niya, "Dahil dito ay sinabi Ko sa inyo na walang kayang lumapit sa Akin kung hindi ito ipagkaloob sa kanya mula sa Ama Ko."
[6:66] Magmula noon marami sa mga estudyante Niya ang umalis pabalik at di na lumakad kasama Niya.
[6:67] Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, "Hindi niyo rin bang gustong umalis?"
[6:68] Kaya't sinagot Siya ni Simon Pedro, "Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa Inyo ang mga salita ng Buhay na walang hanggan?
[6:69] Kumbinsido na rin kami at nalaman na namin na Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy."
[6:70] Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba't pinili Ko kayong labindalawa? Pero ang isa sa inyo ay isang demonyo."
[6:71] Pero ang Kanyang tinutukoy ay si Judas Iscariote na anak ni Simon na isa sa labindalawa, dahil ang isang ito ay malapit na Siyang ipagkanulo.
[7:1] At pagkatapos ng mga bagay na ito, namuhay na si Jesus sa loob ng Galilee dahil di Niya gustong dumaan pa sa loob ng Judea. Pinagpaplanuhan na kasi Siyang patayin ng mga Judio.
[7:2] Pero nang papalapit na ang Pista ng Tolda ng mga Judio,
[7:3] sinabi naman sa Kanya ng mga kapatid Niya, "Umalis ka na rito at pumunta sa loob ng Judea para makita rin ng mga estudyante Mo ang mga gawain na ginagawa Mo,
[7:4] dahil walang ginagawang palihim ang sinumang naghahangad na maging sikat ang sarili. Kung ginagawa Mo ang mga bagay na ito, ipakita Mo ang sarili Mo sa mundo."
[7:5] Maging ang mga kapatid Niya ay hindi nananalig sa Kanya.
[7:6] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi pa dumating ang oras na para sa Akin, pero laging nakahanda ang oras para sa inyo.
[7:7] Hindi kayang magalit ng mundo sa inyo, pero galit ito sa Akin dahil nagpapatotoo Ako patungkol dito, na masasama ang mga gawain nito.
[7:8] Kayo, umakyat kayo papunta sa Pistang ito. Hindi pa Ako aakyat papunta sa Pistang ito dahil hindi pa dumating ang tamang panahon para sa Akin."
[7:9] Pero matapos sabihin sa kanila ang mga ito, nanatili pa Siya sa loob ng Galilee.
[7:10] Pero pagka akyat ng mga kapatid Niya, umakyat na rin Siya papunta sa Pista, hindi hayagan, kundi palihim.
[7:11] Ngayon naman, ang mga Judio ay hinahanap Siya habang nagaganap ang Pista at sinasabi nila, "Nasaan na Siya?"
[7:12] At maraming lihim na pagtatalo-talo patungkol sa Kanya ang nangyayari sa gitna ng mga nagkatipong tao. Ang ilan ay nagsasabi na, "Mabuti Siya." Pero ang iba naman ay nagsabi, "Hindi, sa halip ay nililinlang Niya ang mga tao!"
[7:13] Sa kabila nito ay walang hayagang nagsasalita patungkol sa Kanya dahil sa takot sa mga Judio.
[7:14] Pero ngayon, nang kalagitnaan na ng Pista, ay umakyat na si Jesus papasok sa templo at nagturo.
[7:15] At namamangha ang mga Judio habang sinasabing, "Sa anung paraan nito naunawaan ang mga kasulatan kung hindi naman Siya nakapag-aral?"
[7:16] Sinagot sila ni Jesus at sinabing, "Ang Aking katuruan ay hindi sa Akin, kundi sa Kanya na nagpadala sa Akin.
[7:17] Kung sinuman ay gustong gawin ang Kanyang kalooban, malalaman niya ang patungkol sa katuruan kung ito ay mula sa Diyos o kung Ako lamang ay nagsasalita mula sa Aking sarili.
[7:18] Ang nagsasalita galing sa kanyang sarili ay naghahangad ng pansariling karangalan, pero ang naghahangad ng karangalan ng nagpadala sa kanya, siya ay totoo; at walang mali sa kanya.
[7:19] Diba't ibinigay ni Moises sa inyo ang Batas? Pero wala ni isa sa inyong tumutupad sa Batas. Bakit niyo Ako gustong patayin?"
[7:20] Sumagot ang mga tao at sinabi, "Mayroon Kang demonyo. Sino ang gustong pumatay sa Iyo?"
[7:21] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Gumawa Ako ng isang himala at kayong lahat ay namangha.
[7:22] Ibinigay sa inyo ang pagtutuli sa pamamagitan ng Moises na ito," (di talaga galing ito kay Moises kundi galing sa mga sinaunang ama), "Ngayon, nagtutuli kayo ng tao sa araw ng Pamamahinga.
[7:23] Kung tumatanggap ng pagtutuli ang isang tao sa araw ng Pamamahinga para hindi malabag ang Batas ni Moises, galit ba kayo sa Akin dahil pinagaling Ko ng lubusan ang isang tao sa araw ng Pamamahinga?
[7:24] Huwag kayong humusga ng ayon lang sa nakikita, kundi humusga kayo ayon sa makatuwirang paghatol."
[7:25] Kaya't ilan sa mga taga Jerusalem ay nagsabi, "Hindi ba't ito yung gusto nilang patayin?
[7:26] Pero tignan niyo, malaya pa rin Siyang nakakapagsalita at wala silang sinasabing anuman sa Kanya! Totoo bang alam na ng mga namumuno na ito na talaga ang Kristo?
[7:27] Pero alam naman natin kung saan nagmula itong taong ito; at kapag dumating na ang Kristo, walang nakakaalam kung saan Siya nagmula."
[7:28] Kaya't sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa loob ng templo at sinabing, "At talaga bang kilala niyo Ako, at alam niyo kung saan Ako nanggaling? Sa kabilang banda, hindi ako pumarito dahil sa Aking sarili, sa halip, totoo Siya na nagpadala sa Akin na hindi niyo naman kilala,
[7:29] pero kilala Ko Siya dahil sa Kanya Ako nanggaling at Siya ang nagpadala sa Akin."
[7:30] Kaya't naghanap sila ng paraan para hulihin Siya, pero walang umaresto sa Kanya dahil hindi pa dumating ang oras Niya.
[7:31] Gayun pa man, maraming mula sa mga nagkatipong tao ang nanalig sa Kanya. Sinabi pa nila na, "Kapag dumating kaya ang Kristo, makakagawa ba Siya ng mas marami pang mga senyales kaysa sa mga ito na ginawa Niya?"
[7:32] Narinig ng mga Pariseo na pinag-uusapan ng mga tao ang mga bagay na ito patungkol sa Kanya, kaya nagpadala ang mga Pariseo at ang mga pangulong pari ng mga gwardia para hulihin Siya.
[7:33] Kaya naman sinabi sa kanila ni Jesus, "Sandaling panahon na lamang niyo Ako makakasama at aalis na Ako papunta sa nagpadala sa Akin.
[7:34] Hahanapin niyo Ako, pero hindi niyo Ako matatagpuan; at hindi niyo kakayaning pumunta sa lugar kung saan Ako nandoon."
[7:35] Kaya naman nagtanungan ang mga Judio sa isa't isa, "Saan naman Niya balak pumunta para hindi natin Siya matagpuan? Hindi kaya Niya balak umalis papunta sa mga kababayan nating nagkalat sa lupain ng mga Griego at magturo sa mga Griego?
[7:36] Anung ibig Niyang sabihin sa salitang ito na sinabi Niya, 'Hahanapin niyo Ako, pero hindi niyo Ako matatagpuan,' at 'hindi niyo kakayaning pumunta sa lugar kung saan Ako nandoon?'"
[7:37] Ngayon, pagdating ng pinakahuling araw, ang pinakamahalaga sa Pista, tumayo si Jesus at sumigaw habang sinasabing, "Kung sinuman ang nauuhaw, lumapit siya sa Akin at uminom!
[7:38] Ang nananalig sa Akin ayon sa sinabi sa Biblia, mula sa kaibuturan niya ay dadaloy ang mga ilog ng buháy na tubig."
[7:39] Pero ito ay sinabi Niya patungkol sa Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga nananalig sa Kanya. Wala pa kasi rito ang Banal na Espiritu, dahil si Jesus ay hindi pa naparangalan.
[7:40] Kaya't nang marinig ng karamihan sa mga taong nagkatipon ang salitang ito ay sinabi nila, "Ito na ang tunay na Propeta."
[7:41] Ang iba naman sa kanila ay nagsabi, "Ito na ang Kristo." Pero may iba na nagsasabing, "Hindi kasi lilitaw mula sa Galilee ang Kristo.
[7:42] Hindi ba't binanggit sa Biblia na ang Kristo ay darating mula sa binhi ni David at mula sa bayan ng Bethlehem kung saan nanggaling si David?"
[7:43] Kaya't nagkaroon ng dibisyon sa kalagitnaan ng mga taong nagkatipon nang dahil sa Kanya.
[7:44] Pero may mga ilan sa kanila ang gusto na Siyang hulihin pero wala ni isang umaresto sa Kanya.
[7:45] Kaya't umalis ang mga gwardia papunta sa mga pangulong pari at mga Pariseo at tinanong sila ng mga ito, "Anung dahilan bakit hindi niyo Siya hinuli?"
[7:46] Sumagot ang mga gwardia, "Wala pa kasing taong nakapagsalita gaya ng taong ito."
[7:47] Kaya't sinagot sila ng mga Pariseo, "Hindi. Kayo rin ay naloko!
[7:48] Walang mula sa mga matataas na pinuno o mula sa mga Pariseo ang naniniwala sa Kanya.
[7:49] Sa halip, ang mga taong ito na walang alam sa Batas ay nasa ilalaim ng sumpa."
[7:50] Nagsalita sa kanila si Nicodemus, (ito ang pumunta sa Kanya sa gitna ng gabi na isa sa kanila),
[7:51] "Ang ating Batas ay hindi humahatol sa tao maliban sa mapakinggan muna nito galing sa kanya at maunawaan ang ginagawa niya."
[7:52] Sumagot sila at sinabi nila sa kanya, "Taga Galilee ka rin ba o hindi? Magsuri ka at matutuklasan mo na walang propeta na lumitaw mula sa Galilee."
[7:53] At bawat isa ay umuwi papunta sa kanyang tahanan.
[8:1] Ngayon, si Jesus ay umalis papunta sa Bundok ng mga Olibo.
[8:2] Pero kinaumagahan ay muli Siyang pumunta sa loob ng templo, at lahat ng tao ay lumapit sa Kanya, at nang makaupo ay tinuruan Niya sila.
[8:3] At ang mga dalubhasa sa Biblia at ang mga Pariseo ay nagdala sa Kanya ng isang babaing nahuli sa akto ng pakikiapid at pinatayo nila ito sa gitna.
[8:4] Sinabi nila sa Kanya, "Guro, ang babaing ito ay nahuli sa akto ng pakikiapid.
[8:5] Ngayon, ayon sa Batas, inutos sa atin ni Moises na batuhin ang mga katulad niya. Kayo, ano naman ang masasabi Niyo?"
[8:6] Pero sinabi nila ito na panghamon sa Kanya, para magkaroon sila ng kasong ihahabla laban sa Kanya. Pero yumuko si Jesus at nagsulat sa ibabaw ng lupa gamit ang daliri na para bang walang naririnig.
[8:7] At nang di sila huminto ng katatanong sa Kanya ay tumayo Siya sabay sinabi sa harapan nila, "Ang walang kasalanan sa inyo ang unang maghagis ng bato papunta sa kanya."
[8:8] At muli Siyang yumuko para magsulat sa ibabaw ng lupa.
[8:9] At ang mga nakarinig nito, at naudyukan ng konsensya ay isa-isang umalis simula sa pinakamatanda hanggang sa kahuli-hulihan. At si Jesus lang ang naiwan at ang babae na nakatayo sa gitna.
[8:10] Pero tumayo si Jesus at nang makitang wala nang ibang nandoon maliban sa babae ay sinabi Niya rito, "Babae, nasaan na ang mga taga-usig mo? Wala bang nagparusa sa iyo?"
[8:11] At sinabi niya, "Wala po, Panginoon." At sinabi ni Jesus sa kanya, "Hindi rin kita parurusahan. Umuwi ka na at huwag ka nang magkasala."
[8:12] Kaya't nang magsalita uli si Jesus sa kanila ay sinabi Niya, "Ako ang liwanag ng mundo. Ang sumusunod sa Akin ay hinding-hindi lalakad sa gitna ng kadiliman, sa halip ay magkakaroon siya ng liwanag ng Buhay."
[8:13] Kaya't sinabi sa Kanya ng mga Pariseo, "Nagpapatotoo Ka patungkol sa Iyong sarili. Walang katotohanan ang patotoo Mo!"
[8:14] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Kahit pa nagpapatotoo Ako patungkol sa Aking sarili, ang patotoo Ko ay tapat dahil alam Ko kung saan Ako nanggaling at kung saan Ako papunta. Pero wala kayong alam kung saan Ako nanggaling at kung saan Ako papunta.
[8:15] Humuhusga kayo batay sa laman; hindi Ko hinuhusgahan ang sinuman.
[8:16] At kung Ako man ay humusga, ang Aking hatol ay tapat dahil hindi Ako nag-iisa, sa halip Ako ay kasama ng Ama na nagpadala sa Akin.
[8:17] At nakasulat rin sa loob ng sarili niyong Batas na ang patotoo ng dalawang tao ay tapat.
[8:18] Ako ang nagpapatotoo patungkol sa sarili Ko, at ang Ama na nagpadala sa Akin ay nagpapatotoo rin patungkol sa Akin."
[8:19] Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Nasaan ba ang Ama Mo?" Sumagot si Jesus, "Hindi niyo Ako kilala ni ang Ama Ko. Kung kilala niyo Ako, nakilala niyo na rin sana ang Ama Ko."
[8:20] Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito sa loob ng kabang-yaman habang nagtuturo sa loob ng templo. Pero walang humuli sa Kanya dahil hindi pa dumating ang oras Niya.
[8:21] Tapos ay sinabi uli ni Jesus sa kanila, "Paalis na Ako at hahanapin niyo Ako, pero kayo ay mamamatay dahil sa inyong kasalanan. Hindi niyo kayang pumunta kung saan Ako papunta."
[8:22] Kaya't sinabi ng mga Judio, "Magpapakamatay ba Siya, kaya Niya sinabing, 'Hindi niyo kayang pumunta kung saan Ako papunta'?"
[8:23] Sinabi pa Niya sa kanila, "Kayo ay nanggaling sa kailaliman; Ako ay nanggaling sa kaitaasan. Nanggaling kayo sa mundong ito; Ako ay hindi nanggaling sa mundong ito.
[8:24] Kaya sinasabi Ko sa inyo na kayo ay mamamatay dahil sa mga kasalanan niyo; dahil kung hindi kayo naniniwala kung sino Ako, kayo ay mamamatay dahil sa inyong mga kasalanan."
[8:25] Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Sino Ka ba?" At sinabi sa kanila ni Jesus, "Kung ano pa rin ang sinabi Ko sa inyo nung una.
[8:26] Marami Akong bagay na pwedeng sabihin at iakusa tungkol sa inyo, pero ang nagpadala sa Akin ay tapat. At Ako, ang mga bagay na narinig Ko mula sa Kanya, ito ang mga sinasabi Ko sa mundo."
[8:27] Hindi nila naintindihan na ang Ama ang binabanggit Niya sa kanila.
[8:28] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Kapag itinaas niyo ang Anak ng Tao, saka niyo mauunawaan kung sino Ako, at wala Akong ginagawa na galing sa Aking sarili. Sa halip, ayon lang sa itinuro sa Akin ng Ama Ko ay sinasabi Ko ang mga ito.
[8:29] at ang nagpadala sa Akin ay kasama Ko. Hindi Ako iniwang mag-isa ng Ama, dahil lagi Kong ginagawa ang mga bagay na gusto Niya."
[8:30] Habang sinasabi Niya ang mga bagay na ito, marami ang naniwala sa Kanya.
[8:31] Kaya't sinabi ni Jesus sa harapan ng mga Judiong nanalig sa Kanya, "Kung manatili kayo sa Aking salita, tunay nga na mga estudyante Ko kayo,
[8:32] at malalaman Niyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo."
[8:33] Sinagot nila Siya, "Kami ay binhi ni Abraham at kailanman ay di kami naging alipin ninuman. Paano Mo sasabihing, 'Kayo ay magiging malaya'?"
[8:34] Sinagot sila ni Jesus, “Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na bawat isang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.
[8:35] Ngayon, ang alipin ay hindi nananatili sa loob ng pamilya sa habang panahon. Ang lalaking anak ay nananatili sa habang panahon.
[8:36] Kaya't kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, tunay kayong magiging malaya.
[8:37] Alam Ko na kayo ay binhi ni Abraham, pero sinisikap niyo Akong patayin, dahil ang Aking salita ay walang puwang sa kalooban niyo.
[8:38] Sinasabi Ko ang Aking nakita mula sa Ama Ko, at ginagawa niyo naman ang nakita niyo mula sa ama niyo."
[8:39] Sumagot sila at sinabi sa Kanya, "Ang ama namin ay si Abraham." Sinabi sa kanila ni Jesus, "Kung mga anak kayo ni Abraham, ginagawa niyo sana ang mga gawain ni Abraham.
[8:40] Pero ngayon, ay sinisikap niyo Akong patayin, isang tao na nagsabi sa inyo ng totoo na nadinig Ko mula sa Diyos. Hindi ganyan ang ginawa ni Abraham.
[8:41] Ginagawa niyo ang mga gawain ng ama niyo." Kaya't sinabi nila sa Kanya, "Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang itinuturing naming ama -ang Diyos."
[8:42] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Kung ang ama niyo ay ang Diyos, Ako sana ay minamahal niyo dahil Ako ay nanggaling at pumarito mula sa Diyos. Hindi rin Ako dumating para sa sarili Ko; sa halip, Siya ang nagpadala sa Akin.
[8:43] Bakit hindi niyo maintindihan ang paraan ng Aking pagsasalita? Dahil hindi niyo kayang pakinggan ang Aking salita.
[8:44] Kayo ay mula sa ama niyo, ang diyablo, at ang masamang hangarin ng ama niyo ang gusto niyong gawin. Siya ay mamamatay-tao noong una pa man at hindi siya naninidigan sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsabi siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya mula sa kanyang sarili dahil siya'y sinungaling at siyang ama nito.
[8:45] At dahil nagsasabi Ako ng totoo, hindi niyo Ko pinaniniwalaan.
[8:46] Sino sa inyo ang magtutuwid sa Akin patungkol sa kasalanan? At kung nagsasabi Ako ng totoo, ano ang dahilan bakit hindi niyo Ko pinaniniwalaan?
[8:47] Siya na nanggaling sa Diyos ay nakikinig sa tinig ng Diyos. Ito ang dahilan bakit hindi kayo nakikinig - dahil hindi kayo nanggaling sa Diyos."
[8:48] Kaya't sumagot ang mga Judio at sinabi nila sa Kanya, "Hindi ba tama na sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at nasa kamay ng demonyo?"
[8:49] Sumagot si Jesus, "Wala Akong demonyo, sa halip ay pinararangalan Ko ang Ama Ko at wala kayong respeto sa Akin.
[8:50] At hindi Ko hanap ang karangalan Ko; may Isang naghahanap at humahatol.
[8:51] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, sinuman ang sumunod sa Aking salita; hinding-hindi niya kailanman mararanasan ang Kamatayan."
[8:52] Kaya't sinabi sa Kanya ng mga Judio, "Ngayon, alam na namin na hawak Ka ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, pero sinasabi Mo na kung sinuman ang tumutupad sa Iyong salita ay hinding-hindi kailanman makakatikim ng kamatayan?
[8:53] Hindi Ka mas dakila kaysa sa ama naming si Abraham na patay na, pati ang mga propetang patay na! Sino Ka ba sa akala mo?"
[8:54] Sumagot si Jesus, "Wala Akong karangalan kung pinararangalan Ko ang Aking sarili. Ang Ama Ko ang Siyang nagpaparangal sa Akin, na sinasabi niyong Siya ay Diyos ninyo.
[8:55] At hindi niyo Siya kilala, pero kilala Ko Siya at kung sasabihin Ko na hindi Ko Siya kilala, magiging sinungaling Akong tulad ninyo. Pero kilala Ko Siya, at tinutupad Ko ang salita Niya.
[8:56] Si Abraham na ama niyo ay nagdiwang nang makita niya ang pagdating ng araw Ko; nakita niya rin ito at siya'y nagalak."
[8:57] Kaya't sinabi ng mga Judio sa Kanya, "Wala ka pang singkuwenta anyos at nakita Mo na si Abraham?"
[8:58] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo; bago pa dumating si Abraham ay Ako na."
[8:59] Kaya't namulot sila ng mga batong ihahagis nila sa Kanya, pero si Jesus ay nakapagtago at umalis palabas ng templo habang naglalakad sa kalagitnaan nila at sa ganitong paraan Siya naka alis.
[9:1] At habang naglalakad ay nakita Niya ang isang tao na bulag simula pa nang ipinanganak ito.
[9:2] At tinanong siya ng mga estudyante Niya na nagsabing, "Guro, sino po ang nagkasala, siya o ang mga magulang niya kaya ipinanganak siyang bulag?"
[9:3] Sumagot si Jesus, "Hindi siya nagkasala o ang mga magulang niya, sa halip, nangyari ito para maipakita sa lahat ang pagkilos ng Diyos sa kanya.
[9:4] Kailangan Kong gawin ang trabaho ng nagpadala sa Akin habang araw pa. Dumarating ang gabi kung kailan wala nang pwedeng magtrabaho.
[9:5] Hangga't Ako ay nasa daigdig, Ako ang liwanag ng daigdig."
[9:6] Pagkasabi Niya ng mga bagay na ito ay dumura Siya sa lupa, tapos ay gumawa Siya ng putik mula sa laway, at ipinahid Niya ang putik sa ibabaw ng mga mata ng bulag,
[9:7] saka sinabi sa kanya, "Lumakad ka at maghugas ka sa gitna ng paliguan ng Siloam (na ibig sabihin ay "pinadala"). Kaya't umalis siya, saka naghugas, at umuwi siya na nakakakita.
[9:8] Kaya't ang mga kapit-bahay at ang mga nakakita noon sa kanya na siya ay bulag ay nagsabing, "Hindi ba ito iyung nakaupo at namamalimos?"
[9:9] May ilan na nagsasabing, "Siya nga!" Pero ang iba naman, "Kamukha lang niya iyon." Pero siya ay nagsabing, "Ako iyon!"
[9:10] Kaya't sinabi nila sa kanya, "Paano nabuksan ang iyong mga mata?"
[9:11] Sumagot siya at sinabing, "May isang tao na nagngangalang Jesus na gumawa ng putik at ipinahid Niya sa aking mga mata, at sinabi Niya sa akin, 'Pumunta ka sa paliguan ng Siloam, at maghugas ka.' Pumunta nga ako at pagkahugas ay nakakita na ako!"
[9:12] Kaya't tinanong nila siya, "Nasaan na Siya?" Sinabi niya, "Hindi ko po alam."
[9:13] Dinala nila siya na dating bulag papunta sa mga Pariseo.
[9:14] At ito ay Araw ng Pamamahinga nang ginawa ni Jesus ang putik at binuksan ang kanyang mga mata.
[9:15] At muli rin siyang tinanong ng mga Pariseo kung papaano siya nakakita, at sinabi niya sa kanila, "Naglagay Siya ng putik sa ibabaw ng mga mata ko tapos ay naghugas ako, at ako'y nakakakita na."
[9:16] Kaya't sinabi ng ilan sa mga Pariseo, "Ang taong ito ay hindi galing sa Diyos dahil hindi Niya tinutupad ang Araw ng Pamamahinga." Sabi ng iba, "Paano makagagawa ng ganitong klaseng mga senyales ang isang taong makasalanan?" At nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan nila.
[9:17] Sinabi nila uli sa bulag, "Anung masasabi mo tungkol sa Kanya dahil binuksan Niya ang iyong mga mata?" At sinabi niyang, "Isa Siyang propeta."
[9:18] Pero hindi naniwala ang mga Judio patungkol sa kanya na dati siyang bulag at nakakakita na siya, hanggang sa ipatawag nila ang mga magulang ng lalaking tumanggap ng kagalingan.
[9:19] At tinanong nila ang mga ito na nagsabing, "Siya ba ang anak niyo, na sinasabi niyong ipinanganak na bulag? Pero paano siya ngayon nakakakita?"
[9:20] Sinagot sila ng kanyang mga magulang at sinabi, "Alam namin na siya po ang aming anak at siya nga ay ipinanganak na bulag.
[9:21] Pero hindi po namin alam kung paano siya ngayon nakakakita, o kung sino ang nagbukas ng kanyang mga mata. Wala po kaming alam. Siya po ay nasa tamang gulang na. Tanungin niyo na lang po siya. Magsasalita siya para sa sarili niya."
[9:22] Sinabi ito ng mga magulang niya dahil natatakot sila sa mga Judio. Dahil nagkasundo na ang mga Judio na ang sinumang lantarang sumang-ayon na Siya ang Kristo ay ititiwalag sa simbahan.
[9:23] Ito ang dahilan kaya sinabi ng mga magulang niya na, "Siya po ay nasa tamang gulang na. Tanungin niyo na lang po siya."
[9:24] Kaya't pinatawag nila ng pangalawang beses ang tao na dating bulag at sinabi nila sa kanya, "Magbigay ka ng karangalan sa Diyos, alam namin na ang taong ito ay makasalanan!"
[9:25] Pero sumagot siya at sinabing, "Hindi ko po alam kung Siya ay isang makasalanan. Isa lang ang alam ko na bulag ako, pero ngayon ay nakakakita na!"
[9:26] At muli nilang sinabi sa kanya, "Anung ginawa Niya sa iyo? Paano Niya binuksan ang iyong mga mata?"
[9:27] Sinagot niya sila, "Sinabi ko na po sa inyo pero hindi kayo nakinig! Bakit niyo gusto uling marinig? Hindi niyo rin ba gustong maging mga estudyante Niya?"
[9:28] Kaya't inalipusta nila siya at sinabing, "Ikaw ang estudyante Niya. Pero kami ay mga estudyante ni Moises!
[9:29] Alam namin na nangusap ang Diyos kay Moises, pero Siya-hindi namin alam kung saang lugar Siya nanggaling!"
[9:30] Sumagot itong tao at sinabi niya sa kanila, "Iyan pa nga ang kamangha-mangha na hindi niyo alam ang pinanggalingan Niya pero binuksan Niya ang aking mga mata!
[9:31] Alam naman natin na hindi nakikinig ang Diyos sa mga makasalanan, pero kung sinuman ay sumasamba sa Diyos at gumagawa ng kalooban Niya, ito ay pinakikinggan Niya.
[9:32] Mula pa nang magsimula ang daigdig, wala pang nabalita na may nagbukas sa mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag.
[9:33] Kung ito ay hindi nagmula sa Diyos, hindi Niya ito kayang gawin."
[9:34] Sumagot sila at sinabi sa kanya, "Buong-buo kang ipinanganak sa sangkatutak na kasalanan, at ikaw pa ang nagtuturo sa amin?" At kinaladkad nila siya palabas.
[9:35] Nabalitaan ni Jesus na kinaladkad nila siya palabas at nang matagpuan siya ay sinabi Niya rito, "Ikaw ba ay nananalig sa Anak ng Diyos?"
[9:36] Sumagot siya at sinabi, "Sino po ba Siya, Panginoon, nang sa gayon ay manalig ako sa Kanya?"
[9:37] At sinabi sa kanya ni Jesus, "Nakita mo na Siya, at Siya ang nagsasalita sa iyo ngayon."
[9:38] At sinabi niya, "Nananalig po ako, Panginoon!" At siya'y sumamba sa Kanya.
[9:39] At sinabi ni Jesus, "Dumating Ako sa ibabaw ng mundong ito para sa kahatulan, para ang hindi nakakakita ay makakita at ang mga nakakakita ay maging mga bulag.
[9:40] At narinig ito ng ilan sa mga Pariseong kasama Niya at sinabi nila sa Kanya, "Hindi rin ba kami mga bulag?"
[9:41] Sinagot sila ni Jesus, "Kung bulag kayo hanggang ngayon, wala sana kayong kasalanan. Pero ngayon ay sinasabi niyo na 'Nakakakita kami!' Kaya ang kasalanan niyo ay nananatili.
[10:1] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, sinuman ang hindi dumadaan papasok ng entrada papunta sa bahay ng mga tupa, sa halip ay umaakyat galing sa ibang lugar, siya ay isang magnanakaw at mandarambong.
[10:2] Pero ang dumadaan papasok sa entrada ay siyang pastor ng mga tupa.
[10:3] Pinagbubuksan siya ng bantay sa entrada, at ang mga tupa ay nakikinig sa boses niya. Tapos ay tinatawag niya sa pangalan ang kanyang mga tupa, at inaakay niya sila palabas.
[10:4] At kapag nailabas na niya ang kanyang mga tupa ay lumalakad siya sa unahan nila at ang mga tupa ay sumusunod sa kanya dahil kilala nila ang boses niya.
[10:5] Pero hinding-hindi sila sasama sa isang dayuhan, sa halip ay tatakbo sila palayo dito dahil hindi nila kilala ang boses ng mga dayuhan."
[10:6] Sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito, pero hindi nila naintindihan kung ano ba ang ibig sabihin ng mga bagay na sinasabi Niya sa kanila.
[10:7] Kaya't sinabi uli sa kanila ni Jesus, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na Ako ang pintuan ng mga tupa.
[10:8] Lahat ng mga dumating bago sa Akin, gaano man karami, ay mga magnanakaw at mga mandarambong, pero hindi sila pinakinggan ng mga tupa.
[10:9] Ako ang pintuan. Sinuman ang pumasok sa pamamagitan Ko ay maliligtas, at siya ay papasok at lalabas, at matatagpuan niya ang pastulan.
[10:10] Walang dahilan para dumating ang magnanakaw, maliban sa magnakaw, at pumatay, at manira. Ako ay dumating para sila ay magkaroon ng Buhay at magkaroon sila nito ng may kasaganahan.
[10:11] Ako ang mabuting pastor. Ang mabuting pastor ay inaalay ang kanyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.
[10:12] Pero ang upahan na hindi pastor at hindi nagmamay-ari ng mga tupa, kapag nakita niyang dumarating na ang asong gubat ay iniiwanan na ang mga tupa at tumatakas. At sasakmalin sila ng asong gubat at magsisikalat ang mga tupa.
[10:13] Kaya ang upahan ay tumatakas ay sa dahilang siya ay bayaran lamang at wala siyang malasakit sa kalagayan ng mga tupa.
[10:14] Ako ang mabuting pastor, at kilala Ko ang sa Akin, at ang mga sa Akin ay kilala Ako.
[10:15] Kung paanong nakikilala Ako ng Ama, ganun Ko rin nakikilala ang Ama. At inaalay Ko ang kaluluwa Ko alang-alang sa mga tupa.
[10:16] At may iba pa Akong mga tupa na wala sa lugar na ito. Kailangan Ko rin silang akayin, at pakikinggan nila ang boses Ko. At magkakaroon ng isang kawan, isang pastor.
[10:17] Dahil dito ay natutuwa ang Ama sa Akin, dahil inaalay Ko ang kaluluwa Ko para muli Ko itong kunin.
[10:18] Walang umaagaw nito mula sa Akin. Sa halip ay kusang-loob Ko itong inaalay. May karapatan Akong ialay ito at may karapatan Akong kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap Ko mula sa Ama Ko."
[10:19] Kaya't muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kalagitnaan ng mga Judio dahil sa mga salitang ito.
[10:20] Pero sinabi ng marami sa kanila, "Mayroon Siyang demonyo at nababaliw na. Bakit niyo Siya pinakikinggan?"
[10:21] Ang iba naman ay sinasabing, "Ang mga salitang ito ay hindi mula sa isang inaalihan ng demonyo. Hindi kakayanin ng demonyong buksan ang mga mata ng mga bulag."
[10:22] At sumapit na ang Pista ng Pagtatalaga sa loob ng Jerusalem at iyon ay panahon ng taglamig.
[10:23] At habang naglalakad si Jesus sa loob ng templo sa loob ng beranda ni Solomon,
[10:24] ang nangyari, ay pinaligiran Siya ng mga Judio at sinabi nila sa Kanya, "Hanggang kailan Mo bibitinin ang kaluluwa namin? Kung Ikaw ang Kristo, sabihin Mo na lang ng diretso sa amin."
[10:25] Sinagot sila ni Jesus, "Sinabi Ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Ang mga gawain na ginagawa Ko sa ngalan ng Ama Ko, ang mga ito ang nagpapatotoo patungkol sa Akin.
[10:26] Pero hindi kayo naniniwala dahil hindi kayo kabilang sa Aking mga tupa, gaya ng sinabi Ko sa inyo.
[10:27] Ang Aking mga tupa ay nakikinig sa boses Ko, at kilala Ko sila, at sumusunod sila sa Akin
[10:28] At binibigyan Ko sila ng Buhay na walang hanggan, at hinding-hindi sila kailanman napahamak. At walang sinumang aagaw sa kanila mula sa mga kamay Ko.
[10:29] Ang Ama Ko na nagbigay sa Akin ay higit kaysa sa lahat, at walang kayang umagaw sa kanila mula sa kamay ng Ama Ko.
[10:30] Ako at ang Ama - Kami ay magkaisa."
[10:31] Kaya't muling namulot ng mga bato ang mga Judio para ipukol sa Kanya.
[10:32] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Marami Akong ipinakita sa inyong mabubuting gawa mula sa Ama Ko. Alin sa mga gawang ito ang dahilan para batuhin niyo Ako?"
[10:33] Sinagot Siya ng mga Judio at nagsabing, "Hindi Ka namin binabato dahil sa mabuting gawa, kundi dahil sa kalapastanganan sa Diyos, at dahil Ikaw na tao ay ginagawa Mong Diyos ang sarili Mo!"
[10:34] Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba't nakasulat sa loob ng Batas niyo, 'Ako ang nagsabi, kayo ay mga diyos.'?
[10:35] Kung ang mga ito ay tinawag Niyang mga diyos kung saan dumating ang salita ng Diyos, at ang Biblia ay hindi pwedeng mawalan ng kabuluhan,
[10:36] sinasabi niyo ba sa Kanya na itinalaga ng Ama at pinadala sa daigdig na 'nilalapastangan Mo ang Diyos,' dahil sinabi Ko, 'Ako ay Anak ng Diyos?'
[10:37] Kung di Ko ginagawa ang mga gawain ng Ama Ko, huwag niyo Akong paniwalaan.
[10:38] Pero kung ginagawa Ko ito, kahit na hindi niyo Ako paniwalaan, maniwala kayo sa mga gawa, para maintindihan niyo at manalig kayo na ang Ama ay sumasa Akin at Ako ay sumasa Kanya."
[10:39] Kaya't tinangka nilang hulihin Siya muli, pero nakatakas Siya mula sa kanilang mga kamay.
[10:40] At nagpunta uli Siya sa kabilang ibayo ng Jordan, sa lugar kung saan unang naglublob si Juan, at doon Siya nanatili.
[10:41] At maraming nagsilapit sa Kanya at sinabi na, "Totoong walang ginawang senyales si Juan, pero sa dinami-dami ng sinabi ni Juan patungkol sa Kanya, lahat ay totoo."
[10:42] At marami doong nanalig sa Kanya.
[11:1] Ngayon ay may isang nagkasakit, si Lazaro na taga Bethany na mula sa baranggay ni Maria at ni Marta na kapatid nito.
[11:2] At ito ay si Maria na nagpahid sa Panginoon ng langis at nagpunas ng mga paa Niya gamit ang buhok nito. Siya ang kapatid ni Lazaro na may sakit.
[11:3] Kaya't nagpadala ng mensahe ang magkapatid sa Kanya na sinasabing, "Panginoon, tignan Niyo po, ang Inyong mahal na kaibigan ay may sakit."
[11:4] Pero nang marinig ito ni Jesus ay sinabi Niya, "Ang karamdamang ito ay hindi magtatapos sa kamatayan, kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos, upang maparangalan ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.”
[11:5] Ngayon, mahal ni Jesus si Marta at ang kapatid nitong babae, at si Lazaro.
[11:6] Pero nang marinig Niya na ito ay nagkasakit, sa panahong iyon ay nanatili pa Siya ng dalawang araw sa lugar kung saan Siya nandoon.
[11:7] Kaya't pagkatapos nito ay sinabi Niya sa mga estudyante, "Punta tayo uli sa loob ng Judea."
[11:8] Sinabi sa Kanya ng mga estudyante, "Guro, di ba't kamakailan lang po ay tinangka Kayong batuhin ng mga Judio, at pupunta Kayo uli roon?"
[11:9] Sumagot si Jesus, "Hindi ba't may 12 oras sa isang araw? Kung sinuman ay lalakad habang araw pa, hindi siya matitisod dahil nakikita niya ang liwanag sa daigdig na ito.
[11:10] Pero kung sinuman ay lumalakad sa gitna ng gabi, siya'y natitisod dahil ang liwanag ay wala sa kanya."
[11:11] At matapos Niyang sabihin ang mga bagay na iyon ay sinabi Niya ito sa kanila, "Ang kaibigan nating si Lazaro ay nakatulog; pero pupuntahan Ko siya para gisingin."
[11:12] Kaya naman, sinabi ng mga estudyante niya, "Panginoon, kung siya ay nakatulog, gagaling siya."
[11:13] Pero nagsalita si Jesus patungkol sa kamatayan nito, at inakala nila na patungkol sa pamamahinga ng pagtulog ang sinasabi Niya.
[11:14] Kaya naman sinabi sa kanila ni Jesus ng diretsuhan, "Si Lazaro ay patay na."
[11:15] At natutuwa Ako para sa inyo na wala Ako roon, para manalig kayo. Pero tara na at pumunta na tayo sa kanya.
[11:16] Sinabi naman ni Tomas, na kung tawagin ay Kambal, sa mga kapwa estudyante, "Sumama na rin tayo para mamatay na tayo kasama Niya!"
[11:17] At nang dumating si Jesus ay natuklasan Niyang apat na araw na pala itong nasa loob ng libingan.
[11:18] At ang Bethany ay malapit lang sa Jerusalem, halos dalawang milya lang ang layo.
[11:19] At maraming kasapi sa mga Judio na nakapaligid malapit kina Marta at Maria ang nagpunta para makiramay sa kanila dahil sa kanilang kapatid na lalake.
[11:20] Kaya naman nang marinig ni Marta na parating si Jesus ay lumabas ito ng bahay para salubungin Siya, pero si Maria ay nakaupo lang sa loob ng bahay.
[11:21] Kaya't sinabi ni Marta sa harapan ni Jesus, "Panginoon, kung nandito lang po Kayo, hindi po sana namatay ang kapatid ko.
[11:22] Pero alam ko po na kahit ngayon, anumang hilingin Niyo sa Diyos ay ibibigay po sa Inyo ng Diyos."
[11:23] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Babangon ang kapatid mo."
[11:24] Sinabi sa Kanya ni Marta, "Alam ko po na babangon siya sa pagkabuhay ng mga patay sa huling araw."
[11:25] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ako ang pagkabuhay ng mga patay, at ang Buhay. Ang nananalig sa Akin, kahit siya ay patay na, siya ay mabubuhay,
[11:26] at bawat isang nabubuhay at nananalig sa Akin ay hinding-hindi kailanman mamamatay. Naniniwala ka ba dito?"
[11:27] Sinabi niya sa Kanya, "Opo, Panginoon. Ako po ay kumbinsido na Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na dumating dito sa daigdig."
[11:28] At pagkasabi niya nito ay umalis siya at tinawag niya si Maria na kapatid niya. Palihim nitong sinabi, "Dumating ang Guro at tinatawag ka Niya."
[11:29] Nang marinig niya ito, nagmadali siyang tumayo at nagpunta sa Kanya.
[11:30] Pero hindi pa nakarating si Jesus sa loob ng baranggay kundi ay nandoon pa rin Siya sa lugar kung saan Siya dinatnan ni Marta.
[11:31] Kaya't nang makita si Maria ng mga Judio na kasama niya sa loob ng bahay at nakikiramay sa kanya, na nagmadali siyang tumayo at lumabas, sinundan nila siya sabay sabi na, "Papunta siya sa libingan para dun umiyak!"
[11:32] Kaya't nang dumating si Maria sa lugar na kinaroroonan ni Jesus ay nakita niya ito. Siya'y humandusay sa harap ng paanan Niya habang sinasabi sa Kanya, "Panginoon, kung nandito lang po sana kayo hindi sana namatay ang aking kapatid!"
[11:33] Kaya't nang makita siya ni Jesus na umiiyak at ang mga Judio na sumama sa kanya na umiiyak, naantig Siya sa espiritu at hindi na Siya mapakali.
[11:34] At sinabi Niya, "Saan niyo siya inilagay?" Sinabi nila sa Kanya, "Panginoon, halikayo at tignan Niyo."
[11:35] Umiyak si Jesus.
[11:36] Kaya't sinabi ng mga Judio, "Tignan niyo kung gaano Niya ito kamahal!"
[11:37] Pero ilan sa kanila ay nagsabing, "Hindi ba kaya ng taong ito na nagbukas sa mga mata ng bulag, na pigilan rin ang kanyang pagkamatay?"
[11:38] Kaya't muling naantig si Jesus sa kalooban Niya pagdating Niya malapit sa libingan. Ngayon, isa itong kuweba at may batong nakapatong sa ibabaw nito.
[11:39] Sinabi ni Jesus, "Tanggalin niyo ang bato." Sinabi sa Kanya ni Marta na kapatid ng namatay, "Panginoon, mabaho na po siya. Pang-apat na araw na niya kasi."
[11:40] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Hindi ba't sinabi Ko sa iyo na kung mananalig ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?"
[11:41] Kaya't tinanggal nila ang bato mula sa lugar kung saan nakalagay ang patay. At si Jesus ay tumingin sa langit sabay sinabing, "Ama, pinasasalamatan Kita dahil pinakinggan Niyo Ako.
[11:42] At alam Ko na lagi Niyo Akong pinakikinggan. Pero sinabi Ko ito dahil sa mga taong nakapaligid, para maniwala sila na Ikaw ang nagpadala sa Akin."
[11:43] At pagkasabi nito ay sumigaw Siya ng malakas, "Lazaro, lumabas ka!"
[11:44] At lumabas ang namatay na nakatali pa ng mga telang panlibing sa mga paa't kamay, at nakabalot pa ng panyo ang mukha niya. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Tanggalin niyo ang mga nakatali sa kanya at hayaan niyo siyang makaalis."
[11:45] Kaya't marami sa mga Judio na nagpunta kina Maria at nakakita ng mga ginawa ni Jesus ang nanalig sa Kanya.
[11:46] Pero ilan sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
[11:47] Kaya't pinulong ng mga pangulong pari at ng mga Pariseo ang konseho at sinabi nila, "Ano ang ginagawa natin? Ang taong ito ay gumagawa ng maraming senyales!
[11:48] Kung pababayaan natin Siya ng ganito, lahat na ay susunod sa Kanya, sabay darating ang mga Romano at kukunin nilang parehas itong lugar at itong bansa natin!"
[11:49] Pero ang isa sa kanila ay si Caiafas na siyang Pangulong Pari nang taong iyon. Sinabi niya sa kanila, "Mga wala kayong alam,
[11:50] at hindi niyo iniisip na makikinabang tayo kung sakaling mamatay ang isang tao alang-alang sa bayan at hindi ang buong bansa ang mapahamak."
[11:51] Pero hindi niya sinabi ito mula sa kanyang sarili, sa halip ay, bilang Pangulong Pari nang taong iyon, nagsalita siya mula sa Diyos na si Jesus ay malapit nang mamatay alang-alang sa bansa.
[11:52] At di lamang para sa bansa kundi para rin sa mga anak ng Diyos na nagsikalat, upang sila'y pagsama-samahin nang sila ay magkaisa.
[11:53] Kaya mula sa araw na iyon ay nagka-isa silang gumawa ng plano para patayin Siya.
[11:54] Kaya naman, si Jesus ay hindi na hayagang nakikipag-ugnayan kasama ng mga Judio. Sa halip ay umalis Siya roon papunta sa lalawigan na malapit sa ilang, papasok sa lungsod na kung tawagin ay Ephraim. At doon Siya namalagi kasama ng mga estudyante Niya.
[11:55] Nang papalapit na ang Paskua ng mga Judio, marami ring mga taga lalawigan ang umakyat papuntang Jerusalem bago pa ang Paskua upang gawin sa mga sarili nila ang itinakdang paglilinis.
[11:56] Ngayon, hinahanap nila si Jesus at sinasabi nila sa isa't isa habang nakatayo sa gitna ng templo, "Ano sa tingin niyo, hindi kaya Siya pupunta sa Pista?"
[11:57] Samantala, ang mga pangulong pari at ang mga Pariseo ay parehong nagbigay ng kautusan na kung sinuman ang makaalam kung saan Siya nandoon ay dapat nitong ipaalam para Siya ay maaresto nila.
[12:1] Kaya't anim na araw pa bago ang Paskua ay dumating na si Jesus sa Bethany kung saan nandoon si Lazaro na namatay, na siyang ibinangon Niya mula sa mga patay.
[12:2] Dahil dito ay ginawan nila Siya ng isang hapunan doon, at si Marta ay naglilingkod habang si Lazaro ay isa sa mga nakaupo kasama Niya.
[12:3] At inilabas ni Maria ang halos kalahating litro ng mabango at mamahaling langis gawa sa purong Nardo sabay ipinahid sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos ay pinunasan niya ng buhok niya ang Kanyang mga paa kaya naman napuno ang bahay ng amoy nitong pabango.
[12:4] Dahil dito ay sinabi ng isa sa mga estudyante Niya na si Judas, anak ni Simong Iskariote, na malapit nang magtaksil sa Kanya,
[12:5] "Bakit hindi na lang ibenta ang pabangong ito sa halagang 150,000 piso at ibigay sa mga mahihirap?"
[12:6] Pero sinabi niya ito hindi dahil nagmamalasakit siya para sa mga mahihirap, kundi dahil isa siyang magnanakaw at hawak niya ang lalagyan ng pera kung saan kinukupitan niya ang inilalagay doon.
[12:7] Kaya't sinabi ni Jesus, "Pabayaan mo siya. Ginawa niya ito para sa araw ng libing Ko.
[12:8] Dahil ang mga mahihirap ay lagi naman ninyong kasama, pero hindi niyo Ako laging kasama."
[12:9] Kaya't nalaman ng napakalaking bilang ng mga Judio na nandoon Siya at dumating sila hindi lamang dahil kay Jesus kundi para din makita nila si Lazaro na ibinangon Niya mula sa mga patay.
[12:10] Pero nag-usap na ang mga pangulong pari na ililigpit din nila si Lazaro,
[12:11] dahil marami sa mga Judio ang nag-aalisan dahil sa kanya at nananalig na kay Jesus.
[12:12] Kinabukasan, maraming tao ang dumating sa Pista nang mabalitaan nila na parating si Jesus sa Jerusalem.
[12:13] Kumuha sila ng mga sanga ng palmera, at lumabas para salubungin Siya habang sumisigaw ng, "Mabuhay! Kapuri-puri ang dumarating sa ngalan ng Panginoon - ang Hari ng Israel!"
[12:14] At nang makita ni Jesus ang bisirong asno, umupo Siya rito, gaya ng naisulat,
[12:15] "Huwag kang matakot, babaing anak ni Sion; tignan mo, ang Hari mo ay paparating na nakasakay sa bisirong asno."
[12:16] At hindi naintindihan ng mga estudyante Niya noong una ang mga bagay na ito, pero nang maluwalhati na si Jesus, doon lang nila naalala na ang mga bagay na ito ay naisulat patungkol sa Kanya at ginawa nila ang mga bagay na ito sa Kanya.
[12:17] Ngayon, ang malaking grupo na nakasama Niya nang tinawag Niya si Lazaro palabas ng puntod at ibangon ito mula sa mga patay, ay patuloy sa pagpapatotoo;
[12:18] dahil rin dito ay sinalubong Siya ng malaking grupong ito dahil narinig nila na Siya ang may gawa nitong senyales na ito.
[12:19] Kaya't sinabi ng mga Pariseo sa kanilang mga sarili, "Hindi niyo ba nakikita na wala kayong mga pakinabang? Tignan niyo, ang buong mundo ay nagpuntahan na sa Kanya!"
[12:20] At may ilang mga Griyego na kasama nila ang umakyat para sumamba sa gitna ng pista.
[12:21] Kaya't lumapit ang mga ito kay Felipe na taga Bethsaida sa Galilee at nakiusap sa kanya. Sabi nila, "Ginoo, gusto po naming makita si Jesus."
[12:22] Lumapit si Felipe kay Andres at sinabi niya. At sinabi naman ni Andres at Felipe kay Jesus.
[12:23] Pero sinagot sila ni Jesus na nagsabing, "Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng Tao.
[12:24] Totoong, totoo ang sinasabi Ko sa inyo na maliban sa mamatay ang isang butil ng trigo na nalaglag sa ibabaw ng lupa, mananatili itong nag-iisa. Pero kung ito'y mamatay, maraming bunga ang ilalabas nito.
[12:25] Ang nagmamahal sa kanyang kaluluwa ang magpapahamak nito, pero ang namumuhi sa kanyang kaluluwa ayon sa pamantayan ng mundong ito ang mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan.
[12:26] Kung ang sinuman ay naglilingkod sa Akin, sa Akin siya dapat sumunod; at kung nasaan Ako, doon din ang Aking lingkod pupunta. At kung sinuman ay maglingkod sa Akin, siya'y pararangalan ng Ama.
[12:27] Ngayon ay maligalig ang kaluluwa Ko at ano ang sasabihin Ko? 'Ama, iligtas niyo po Ako mula sa oras na ito?' Pero dahil nga dito kaya Ako dumating sa oras na ito!
[12:28] Ama, luwalhatiin mo ang Iyong pangalan." Kaya't dumating ang tinig mula sa langit, "Niluwalhati ko na, at muli ko pa itong luluwalhatiin."
[12:29] Kaya naman ang mga taong nakatayo roon at narinig ito ay sinabi na nagkaroon ng kulog. Ang iba naman ay sinabi na may anghel na nagsalita sa Kanya.
[12:30] Sumagot si Jesus at sinabi, "Itong tinig na dumating ay hindi para sa Akin kundi para sa inyo.
[12:31] Ngayon ang kahatulan ng mundong ito. Ngayon ang pangulo ng mundong ito ay itatapon sa labas.
[12:32] At Ako, kung sakaling Ako ay maitaas mula sa lupa, lahat ay hahatakin Ko papunta sa Akin."
[12:33] At ito ay sinabi Niya bilang pahiwatig kung anung uri ng kamatayan ang ikakamatay Niya.
[12:34] Sinagot Siya ng mga tao, "Narinig namin mula sa Batas na ang Kristo ay mananatili magpakailanman kaya paano mo sasabihin na ang Anak ng Tao ay dapat maitaas? Sino ba itong Anak ng Tao?"
[12:35] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Kaunting panahon na lang niyo kasama ang liwanag. Lumakad kayo habang taglay niyo ang liwanag para hindi kayo maabutan ng dilim; at ang naglalakad sa gitna ng dilim ay hindi alam kung saan siya papunta.
[12:36] Hanggang taglay niyo ang liwanag, manalig kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga anak ng liwanag." Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito Siya'y umalis at nagtago sa kanila.
[12:37] Kahit napakarami Niyang ginawang senyales sa harapan nila, hindi pa rin sila nanalig sa Kanya--
[12:38] Upang ang salita ni propeta Isaias ay matupad na nagsabing, "Panginoon, sino po ang naniwala sa ibinalita namin? At kanino po ipinakita ang armas ng Panginoon?
[12:39] Dahil dito ay wala silang kakayanang manalig, dahil muling sinabi ni Isaias,
[12:40] "Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang puso para hindi sila makakita gamit ang mga mata, at makaunawa gamit ang puso, para sila'y magbalik-loob at mapagaling Ko sila."
[12:41] Sinabi ito ni Isaias nang makita niya ang kaluwalhatian Niya at nagpahayag siya patungkol sa Kanya.
[12:42] Sa kabila ng mga ito, marami pa ring mula sa mga pinuno ng bayan ang nanalig sa Kanya pero dahil sa mga Pariseo ay hindi nila lantarang sinasabi para hindi sila itiwalag mula sa simbahan:
[12:43] dahil mas minahal nila ang opinyon ng mga tao kaysa sa opinyon ng Diyos.
[12:44] At sumigaw si Jesus at sinabi, "Ang nananalig sa Akin ay hindi sa Akin nananalig kundi sa Kanya na nagpadala sa Akin.
[12:45] At ang tumitingin sa Akin ay tumitingin sa nagpadala sa Akin.
[12:46] Ako na liwanag ay dumating sa gitna ng mundo para ang bawat isang nananalig sa Akin ay hindi na mamuhay sa gitna ng kadiliman.
[12:47] At kung may makinig sa Aking mga salita at hindi manalig, hindi Ko siya hinahatulan, dahil hindi Ako dumating para hatulan ang mundo kundi para iligtas ang mundo.
[12:48] Ang tumatanggi sa Akin at hindi tumatanggap sa mga salita Ko, mayroong humahatol sa kanya: ang salita na sinabi Ko ang siyang hahatol sa kanya pagdating ng huling araw.
[12:49] Dahil hindi Ako nangangaral mula sa sarili Ko, sa halip, ang Ama mismo na nagpadala sa Akin ang nagbigay sa Akin ng kautusan, kung ano ang dapat Kong sabihin, at ano ang dapat Kong ipangaral.
[12:50] At alam Ko na ang kautusan Niya ay walang hanggang Buhay. Kaya ang ipinapangaral Ko ay base sa sinabi sa Akin ng Ama. Ganito Ako mangaral."
[13:1] Pero bago pa sumapit ang Pista ng Paskua, alam na ni Jesus na dumating na ang oras Niya para umalis mula sa mundong ito papunta sa Ama. Dahil iniibig Niya ang Kanyang mga personal na pag-aari na nasa mundo, minahal Niya sila hanggang sa katapusan.
[13:2] At matapos ang hapunan ay inilagay na ng diablo sa puso ni Judas Iskariote na anak ni Simon na ipadampot Siya.
[13:3] Alam ni Jesus na lahat ng bagay ay ibinigay na ng Ama sa Kanyang mga kamay, at alam Niya na Siya ay dumating mula sa Diyos, at paalis na papunta sa Diyos.
[13:4] Umahon Siya mula sa hapunan, at itinabi ang Kanyang panlabas na kasuotan, at kumuha ng tuwalya sabay itinali Niya sa Kanyang sarili.
[13:5] Pagkatapos ay naglagay Siya ng tubig sa loob ng palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga estudyante at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakatali sa Kanya.
[13:6] At nang dumating Siya kay Simon Pedro ay sinabi sa Kanya nito, "Panginoon, huhugasan Niyo po ba ang mga paa Ko?"
[13:7] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Wala ka pang alam sa ginagawa Ko sa iyo ngayon, pero matututunan mo ang mga ito pagkatapos."
[13:8] Sinabi sa Kanya ni Pedro, "Hinding-hindi Niyo po kailanman mahuhugasan ang mga paa ko." Sinagot siya ni Jesus, "Kung hindi kita mahugasan, wala kang kaugnayan sa Akin."
[13:9] Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, "Panginoon, huwag lang po ang mga paa ko, kundi pati na ang mga kamay at ang ulo!"
[13:10] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang naligo na ay hindi na kailangan pa nito, maliban sa mahugasan ang mga paa, sa halip ay lubos na malinis na. At kayo nga ay malinis na pero hindi lahat."
[13:11] Dahil alam Niya kung sino ang magtataksil sa Kanya, dahil dito ay sinabi Niya, "Hindi lahat kayo ay malinis."
[13:12] Kaya't nang mahugasan Niya ang mga paa nila, at maisuot ang mga damit Niya ay umupo Siyang muli sabay sinabi sa kanila, "Unawain niyo ang ginawa Ko sa inyo.
[13:13] Tinatawag niyo Akong 'Guro' at 'Panginoon' at tama ang sinasabi niyo, dahil yun nga Ako.
[13:14] Kaya't kung Ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, tungkulin niyo ring hugasan ang mga paa ng isa't isa.
[13:15] Dahil nagbigay Ako sa inyo ng isang halimbawa na inyo ring dapat gawin ang tulad sa ginawa Ko sa inyo.
[13:16] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, walang alipin ang mas dakila sa panginoon niya, ni mensaherong mas dakila sa nagpadala sa kanya.
[13:17] Kung naiintindihan niyo ang mga bagay na ito; mapalad kayo kung gagawin niyo sila.
[13:18] Hindi para sa inyong lahat ang sinasabi Ko; kilala Ko ang mga pinili Ko. Pero para itong nakasulat sa Biblia ay maganap, 'Ang kasama Kong kumain ng tinapay ay nagtaas ng sakong niya laban sa Akin.'
[13:19] Mula ngayon ay sinasabi Ko sa inyo bago pa man mangyari para kapag nangyari na ay manalig kayong Ako Siya.
[13:20] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, ang tumatanggap sa sinumang ipadala Ko ay sa Akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa Akin ay tumatanggap sa nagpadala sa Akin."
[13:21] Nang sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito ay nabagabag Siya sa espiritu at nagpatotoo Siya at sinabi, "Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na ang isa sa inyo ay ipagkakanulo Ako."
[13:22] Kaya't nagtinginan ang mga estudyante sa isa't isa dahil wala silang ideya kung sino ang Kanyang tinutukoy.
[13:23] Pero nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa mga estudyante niya na malapit kay Jesus,
[13:24] Kaya't sumenyas dito si Simon Pedro para tanungin kung sino kaya ang tinutukoy Niya patungkol doon sa sinabi Niya.
[13:25] At paghiga nito sa dibdib ni Jesus ay sinabi nito sa Kanya, "Panginoon, sino po iyon?"
[13:26] Sinagot siya ni Jesus, "Ang bigyan Ko ng isang kapirasong tinapay matapos Ko itong isawsaw, siya iyon." At pagkatapos isawsaw ang isang kapirasong tinapay ay ibinigay Niya ito kay Judas Iskariote na anak ni Simon.
[13:27] At matapos ang kapiraso ng tinapay ay si Satanas naman ang pumasok sa kanya. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Gawin mo nang mabilis ang gagawin mo."
[13:28] Pero wala sa kanila na nasa lamesa ang nakakaalam kung bakit Niya ito sinabi sa kanya.
[13:29] Dahil akala ng ilan sa kanila na dahil hawak ni Judas ang lagayan ng pera ay sinabihan siya ni Jesus, "Bilhin mo ang mga bagay na kakailanganin natin para sa Pista," o para magbigay siya ng anuman sa mahihirap.
[13:30] Kaya't matapos nitong tanggapin ang parte ng tinapay, dali-dali siyang lumabas. At gabi na noon.
[13:31] Pag-alis niya ay sinabi ni Jesus, "Ngayon ay naluwalhati ang Anak ng Tao at ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan Niya.
[13:32] Kung ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan Niya, ang Diyos din ay luluwalhatiin Siya sa Kanyang sarili, at Siya ay agad Niyang luluwalhatiin.
[13:33] Mga munting anak, kaunting panahon pa niyo Ako makakasama. Hahanapin niyo Ako, at kagaya ng sinabi Ko sa mga Judio na, 'Hindi niyo kakayaning pumunta kung saan Ako papunta,' ganito rin ang sinasabi Ko sa inyo ngayon.
[13:34] Isang bagong utos ang ibinibigay Ko sa inyo, na mahalin niyo ang isa't isa, kung paano Ko kayo minahal, para kayo rin ay magmahalan sa isa't isa.
[13:35] Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat na mga estudyante Ko kayo--kung mayroon kayong pagmamahal sa isa't isa."
[13:36] Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, "Panginoon, saan po Kayo papunta?" Sinagot siya ni Jesus, "Papunta Ako sa lugar kung saan di mo pa kayang sumunod sa Akin ngayon, pero susunod ka sa Akin pagkatapos."
[13:37] Sinabi sa Kanya ni Pedro, "Panginoon, ano po ang dahilan bakit hindi ko kakayaning makasunod sa Inyo ngayon? Iaalay ko po ang kaluluwa ko para sa Inyo."
[13:38] Sinagot siya ni Jesus, "Iaalay mo ang kaluluwa mo para sa Akin? Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa iyo, hinding-hindi titilaok ang manok maliban sa itatwa mo Ako ng tatlong beses."
[14:1] Huwag niyong hayaang mabagabag ang inyong puso. Manalig kayo sa Diyos; manalig rin kayo sa Akin.
[14:2] Sa loob ng tahanan ng Aking Ama ay maraming lugar na matutuluyan. Pero kung hindi ay sinabi ko na sana sa inyo. Aalis ako para maghanda ng lugar para sa inyo.
[14:3] At kung aalis Ako at maghahanda ng lugar para sa inyo, muli Akong darating at isasama Ko na kayo sa Aking piling; para kung saan Ako nandoon ay nandoon din kayo.
[14:4] At alam niyo kung saan Ako papunta at alam niyo ang daan.
[14:5] Sabi sa Kanya ni Tomas, "Panginoon, hindi po namin alam kung saan po Kayo pupunta, at paano namin maaaring malaman ang daan?"
[14:6] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ako ang Daan, at ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makakalapit papunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.
[14:7] Kung kilala niyo Ako, kilala niyo na rin dapat ang Ama Ko. At mula ngayon, kilala niyo na Siya at nakita niyo na Siya."
[14:8] Sinabi sa Kanya ni Felipe, "Panginoon, ipakita Niyo po sa amin ang Ama at sapat na po ito sa amin."
[14:9] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sa tinagal-tagal na panahong kasama niyo Ako, hindi mo pa ba Ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo sasabihin, 'Ipakita Niyo po sa amin ang Ama?'
[14:10] Hindi ka ba naniniwala na Ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salita na sinasabi Ko sa inyo ay hindi Ko sinasabi na galing lang sa Aking sarili. Pero ang Ama na nananahan sa Akin, Siya ang gumagawa ng mga gawain.
[14:11] Maniwala kayo sa Akin na Ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin; pero kung hindi naman, maniwala kayo sa Akin alang-alang sa mga gawa mismo.
[14:12] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo. Ang nananalig sa Akin: ang mga gawain na ginagawa Ko ay gagawin niya rin at higit pa sa mga ito ang gagawin niya dahil pupunta na Ako sa Aking Ama.
[14:13] At anumang hingin niyo na may kaugnayan sa pangalan Ko, ito ay gagawin Ko, para maluwalhati ang Ama sa pamamagitan ng Anak.
[14:14] Kung hihiling kayo ng anumang bagay na may kaugnayan sa pangalan Ko, gagawin Ko iyon.
[14:15] Kung mahal niyo Ako, isagawa niyo ang mga utos Ko.
[14:16] At hihiling Ako sa Ama, at ibibigay Niya sa inyo ang isa pang Kaagapay na sasamahan kayo sa habang panahon--
[14:17] ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng mundo dahil hindi Siya nito nakikita ni nakikilala Siya nito. Pero kilala niyo Siya dahil naninirahan Siya sa piling niyo at mananahan sa inyong kalooban.
[14:18] Hindi Ko kayo iiwan na nangungulila. Lalakad Akong kasama niyo.
[14:19] Sa maikling panahon na lang at ang mundo ay hindi na Ako makikita, pero patuloy niyo Akong makikita. Dahil Ako ay nabubuhay, kayo rin ay mabubuhay.
[14:20] Sa araw na iyon ay mauunawaan niyo na Ako ay nasa Ama Ko at kayo ay nasa Akin, at Ako ay nasa inyo.
[14:21] Ang nagtataglay ng mga utos Ko at tumutupad ng mga ito, siya ang nagmamahal sa Akin. At ang nagmamahal sa Akin ay kalulugdan ng Ama Ko, at Ako ay malulugod sa kanya at ipapakita Ko sa kanya ang Aking sarili."
[14:22] Sinabi sa Kanya ni Judas (hindi yung Iskariote), "Panginoon, bakit po nangyaring sa amin Niyo lang planong ipakita ang Inyong sarili at hindi sa mundo?"
[14:23] Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Kung sinuman ay nagmamahal sa Akin, tutuparin niya ang salita Ko, at malulugod sa kanya ang Ama Ko, at pupuntahan namin siya, at gagawa Kami ng tahanan sa piling niya.
[14:24] Ang hindi nagmamahal sa Akin ay hindi tumutupad sa mga salita Ko. At ang salita na naririnig niyo ay hindi sa Akin kundi sa Ama na nagpadala sa Akin.
[14:25] Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito habang nakatira sa piling niyo.
[14:26] Pero ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu, na ipadadala ng Ama sa pamamagitan ng pangalan Ko, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ipapaalala Niya sa inyo ang lahat ng sinabi Ko sa inyo.
[14:27] Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo. Ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya sa ibinibigay ng mundo ang ibinibigay Ko sa inyo. Huwag niyong hayaang maligalig ang inyong puso, ni hayaang matakot ito.
[14:28] Narinig niyo ang sinabi Ko sa inyo, 'Aalis Ako pero lalakad Akong kasama niyo.' Kung mahal niyo Ako, dapat sana ay matuwa kayo dahil sinabi Ko na aalis Ako papunta sa Ama dahil ang Ama Ko ay mas dakila sa Akin.
[14:29] At ngayon ay sinabi Ko na sa inyo bago pa ito mangyari para kapag nangyari na ito ay maniwala kayo.
[14:30] Hindi na Ko magsasalita ng mahaba sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng mundong ito, at wala siyang hawak sa Akin. Wala.
[14:31] Pero mangyayari ito para malaman ng mundo na mahal Ko ang Ama at ginagawa Ko ito gaya ng inutos sa Akin ng Ama. Tumayo na kayo. Alis na tayo dito."
[15:1] "Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama Ko ang Siyang magtatanim.
[15:2] Ang bawat sangang nasa Akin na hindi naglalabas ng bunga, ito ay tinatanggal Niya, at ang bawat isang naglalabas ng bunga, ito ay nililinis Niya para lalo pang maglabas ng bunga.
[15:3] Ngayon ay malinis na kayo sa pamamagitan ng salita na sinabi Ko sa inyo.
[15:4] Manatili kayo sa Akin at Ako ay mananatili sa inyo. Kung paano ang sanga na di kayang maglabas ng bunga mula sa sarili nito kung di ito manatili sa puno ng ubas, hindi niyo rin kaya kung di kayo manatili sa Akin.
[15:5] Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa Akin (at Ako naman sa kanya) ang naglalabas ng maraming bunga. Dahil kung wala Ako ay wala kayong anumang kayang gawin.
[15:6] Kung sinuman ay hindi manatili sa Akin, siya ay tulad sa isang sangang inihagis sa labas at natuyo, tapos ay pinagsasama-sama ang mga ito at hinahagis sa gitna ng apoy, at ito ay natutupok.
[15:7] Kung manatili kayo sa Akin at ang mga salita Ko ay manatili sa inyo, hihiling kayo ng anumang maibigan niyo at ito'y gagawin para sa inyo.
[15:8] Sa ganito naluluwalhati ang Ama Ko, na kayo ay magbunga ng marami, at kayo ay magiging mga estudyante Ko.
[15:9] Kung paano Ako minahal ng Ama, gayun Ko rin kayo minahal. Manatili kayo sa loob ng pagmamahal Ko.
[15:10] Kapag nasunod niyo ang Aking mga utos, mananatili kayo sa loob ng pagmamahal Ko, kung paano Ko sinunod ang mga utos ng Aking Ama at nanatili sa loob ng Kanyang pagmamahal.
[15:11] Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para ang kagalakan Ko ay manatili sa kalooban niyo at ang kagalakan niyo ay mapuno.
[15:12] Ito ang Aking utos, na mahalin niyo ang isa't isa kung paano Ko kayo minahal.
[15:13] Wala nang hihigit pa sa pagmamahal na ito, na ang isang tao ay mag-alay ng kanyang kaluluwa para sa mga kaibigan niya.
[15:14] Kayo'y mga kaibigan Ko kung ginagawa niyo ang anumang inuutos Ko sa inyo.
[15:15] Hindi Ko na kayo tinatawag na mga alipin, dahil ang alipin ay walang alam sa ginagawa ng kanyang panginoon. Pero tinawag Ko kayong mga kaibigan dahil lahat ng bagay na narinig Ko mula sa Ama Ko ay pinaalam Ko na sa inyo.
[15:16] Hindi niyo Ako pinili, kundi Ako ang pumili sa inyo at nagtalaga sa inyo para kayo ay humayo at magbunga, at ang bunga niyo ay manatili. Para anumang hilingin niyo sa Ama na may kaugnayan sa pangalan Ko ay ibigay Niya sa inyo.
[15:17] Inuutos Ko sa inyo ang mga bagay na ito na dapat kayong magmahalan sa isa't isa.
[15:18] Kung ang mundo ay namumuhi sa inyo, dapat niyong malaman na bago pa sa inyo ay namuhi na ito sa Akin.
[15:19] Kung kayo ay taga mundo, ang mundo ay minamahal ang sarili nito. Pero dahil hindi kayo taga mundo, kundi ay pinili Ko kayo mula sa mundo, dahil dito ay ayaw kayo ng mundo.
[15:20] Alalahanin niyo ang salita na sinabi Ko sa inyo, 'Walang alipin na mas dakila kaysa sa panginoon niya.' Kung inusig nila Ako, uusigin rin nila kayo. Kung tinupad nila ang Aking salita, tutuparin din nila ang sa inyo.
[15:21] Pero lahat ng ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa pangalan Ko, dahil hindi nila kilala ang nagpadala sa Akin.
[15:22] Kung hindi lang Ako naparito at nagsalita sa kanila ay wala silang kasalanan, pero ngayon ay wala na silang dahilan para itanggi ang kasalanan nila.
[15:23] Ang may ayaw sa Akin ay ayaw rin sa Aking Ama.
[15:24] Kung hindi Ko ginawa sa harap nila ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman ay wala silang kasalanan. Pero ngayon, pareho nilang nakita at pareho nila Akong inayawan at ang Aking Ama.
[15:25] Pero para matupad ang salita na naisulat sa loob ng Batas nila na, 'Inayawan nila Ako nang walang dahilan.'
[15:26] Pero kapag dumating na ang Kaagapay na ipadadala Ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na lumalabas mula sa Ama-Siya ang magpapatotoo patungkol sa Akin.
[15:27] At kayo rin ay magpapatotoo dahil simula't sa pul ay kasama Ko na kayo.
[16:1] Sinabi Ko ang mga bagay na ito sa inyo para hindi kayo madapa.
[16:2] Palalayasin nila kayo palabas ng mga simbahan. Oo, darating ang panahon na akala ng bawat isang nakapatay sa inyo ay nagbibigay siya ng serbisyo sa Diyos.
[16:3] At gagawin nila ang mga ito sa inyo dahil hindi nila kilala ang Ama o Ako.
[16:4] Pero sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para kapag dumating na ang oras ay maalala niyo na sinabi Ko ang mga ito sa inyo. Pero hindi Ko sinabi ang mga bagay na ito sa inyo noong una dahil kasama niyo pa Ako.
[16:5] Pero ngayon ay aalis na Ako papunta sa nagpadala sa Akin at wala sa inyo ang nagtatanong sa Akin, 'Saan po Kayo papunta?'
[16:6] Pero dahil sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito ay napuno na ng lungkot ang inyong puso.
[16:7] Sa kabila nito ay sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan. May pakinabang sa inyo ang pag-alis Ko: dahil kung hindi Ako aalis ay hindi pupunta sa inyo ang Kaagapay; pero kapag umalis Ako ay papupuntahin Ko Siya sa inyo.
[16:8] At pagdating Niya ay sasawayin Niya ang mundo patungkol sa kasalanan, at patungkol sa katuwiran, at patungkol sa paghuhukom.
[16:9] Patungkol sa kasalanan; dahil talagang hindi sila naniniwala sa Akin;
[16:10] patungkol naman sa katuwiran, dahil aalis Ako papunta sa Ama Ko, at di niyo na Ako makikita;
[16:11] patungkol naman sa paghuhukom, dahil ang pangulo ng mundong ito ay hinatulan na.
[16:12] Marami pa Akong bagay na sasabihin sa inyo pero di niyo pa kayang dalhin ngayon.
[16:13] Pero ang Espiritu ng Katotohanan, kapag dumating na Siya, ay ituturo sa inyo ang patungkol sa lahat ng katotohanan: dahil hindi Siya magsasalita mula sa Kanyang sarili, sa halip ay sasabihin Niya anuman ang Kanyang narinig. At ibabalita Niya sa inyo ang mga bagay na darating.
[16:14] Pararangalan Niya Ako: dahil tatanggap Siya mula sa Akin at sasabihin Niya ito sa inyo.
[16:15] Ang lahat ng mayroon ang Ama gaano man karami ay Akin. Dahil dito ay sinabi Ko na tatanggap Siya mula sa Akin at sasabihin Niya ito sa inyo.
[16:16] Maigsing panahon na lang at di niyo na Ako makikita. At pagkalipas rin ng maigsing panahon ay makikita niyo nanaman Ako, dahil aalis na Ako papunta sa Ama."
[16:17] Kaya't nagsalita sa isa't isa ang ilan sa mga estudyante Niya, "Ano ba ito na sinabi Niya sa atin, 'Maigsing panahon na lang at di niyo na Ako makikita. At pagkalipas rin ng maigsing panahon ay makikita niyo nanaman Ako,' at saka 'dahil aalis na Ako papunta sa Ama?'"
[16:18] Pagkatapos ay sinabi nila, "Ano ba itong sinasabi Niyang, 'Maigsing panahon?' Hindi natin maintindihan ang sinasabi Niya."
[16:19] Ngayon alam na ni Jesus na gusto nilang magtanong sa Kanya kaya't sinabi Niya sa kanila, "Patungkol ba dito kaya kayo nagtatanong sa isa't isa, dahil sinabi Kong maigsing panahon na lang at di niyo na Ako makikita, at pagkalipas pa ng maigsing panahon ay makikita niyo nanaman Ako?
[16:20] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo na mag-iiyakan at magdadalamhati kayo, pero ang mundo ay magdiriwang. At kayo'y magluluksa pero ang pagluluksa niyo ay magiging kagalakan.
[16:21] Ang babae, sa puntong siya'y manganganak na, ay nakakaranas ng matinding kirot dahil dumating na ang oras niya. Pero kapag naisilang na ang bata ay hindi na niya naaalala ang hirap dahil sa tuwa na may taong isinilang sa gitna ng daigdig.
[16:22] Kaya't kayo rin ay talagang nakakaranas ng matinding kirot ngayon, pero muli Akong magpapakita sa inyo at magdiriwang ang inyong puso. At itong kagalakan niyo, walang sinuman ang makakaagaw sa inyo.
[16:23] At sa araw na iyon ay hindi na kayo magtatanong sa Akin ng anuman. Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa inyo, na anumang hilingin niyo sa Ama na may kaugnayan sa pangalan Ko ay ibibigay Niya sa inyo.
[16:24] Hanggang ngayon ay hindi pa kayo humihiling ng anuman sa pangalan Ko. Humingi kayo at kayo'y tatanggap, para ang kagalakan niyo ay mapuno.
[16:25] Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito gamit ang mga talinghaga, pero dumarating ang panahon kung saan hindi na Ako magsasalita sa inyo gamit ang mga talinghaga, sa halip ay malinaw Kong ilalahad sa inyo ang patungkol sa Ama.
[16:26] Sa gitna ng araw na iyon ay hihingi kayo gamit ang pangalan Ko at di Ko sinasabi sa inyo na Ako ay mananalangin sa Ama para sa inyo;
[16:27] dahil ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal niyo Ako at naniwala na Ako ay naparito kasama ng Diyos.
[16:28] Lumabas Ako mula sa Ama at lumakad sa gitna ng daigdig. Muli Kong iniiwan ang daigdig at paalis na Ako papunta sa Ama.
[16:29] Sinabi sa Kanya ng mga estudyante Niya, "Tignan niyo ngayon, malinaw na Kayong nagsasalita at hindi na Kayo nakikipag-usap gamit ang talinghaga!
[16:30] Ngayon po ay sigurado kami na alam Niyo po ang lahat ng bagay at walang sinuman ang dapat na magduda sa Inyo. Sa pamamagitan nito kami po'y naniniwala na naparito Kayo mula sa Diyos."
[16:31] Sinagot sila ni Jesus, "Naniniwala na ba kayo ngayon?
[16:32] Tignan niyo, dumarating na ang oras, at ngayon ay malapit na kung saan kayo ay magsisikalat, ang bawat isa ay magkakanya-kanya, at iiwanan niyo Akong mag-isa. Pero hindi Ako nag-iisa dahil ang Ama ay kasama Ko.
[16:33] Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para sa pamamagitan Ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. May pagdurusa kayo sa ibabaw ng mundo: pero mabuhayan kayo ng loob; napagtagumpayan Ko na ang mundo."
[17:1] Sinabi ni Jesus ang mga ito at ibinaling ang mga mata Niya papunta sa langit sabay sinabi, "Ama, dumating na po ang oras. Luwalhatiin Niyo na po ang inyong Anak upang ang Anak Niyo rin ay luwalhatiin Kayo;
[17:2] kung paanong ibinigay Niyo sa Kanya ang kapamahalaan sa lahat ng katawang lupa, para bigyan Niya ng buhay na walang hanggang ang lahat ng ibinigay Niyo sa Kanya.
[17:3] At ito ang walang hanggang Buhay, na makilala Ka nila ang nag-iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Kristo na Inyong ipinadala.
[17:4] Niluwalhati Ko po Kayo sa ibabaw ng daigdig. Tinapos Ko po ang trabahong ibinigay Niyo po sa Aking gawin.
[17:5] At ngayon po ay luwalhatiin Niyo Ako Ama, kasama ng sarili Niyo, ng kaluwalhatian na mayroon Ako sa piling Niyo bago pa magkaroon ng daigdig.
[17:6] Ipinakilala Ko po ang Inyong pangalan sa mga taong ipinagkaloob Niyo sa Akin mula sa daigdig. Sila po ay sa Inyo at sa Akin Niyo sila ibinigay, at iningatan nila ang Inyong salita.
[17:7] Ngayon po'y alam na nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay Niyo sa Akin gaano man karami ay mula sa Inyo.
[17:8] Dahil ang mga salita na ibinigay Niyo po sa Akin ay ibinigay Ko na sa kanila, at tinanggap naman nila, at totoong naunawaan nila na mula sa Inyo ay naparito Ako, at naniwala sila na Kayo po ang nagpadala sa Akin.
[17:9] Ako po ay humihiling patungkol sa kanila, hindi patungkol sa mundo ang hiling Ko, kundi patungkol sa kanila na ibinigay Niyo po sa Akin, dahil po sa Inyo sila.
[17:10] At lahat po ng sa Akin ay sa Inyo at ang sa Inyo ay sa Akin; at Ako ay naluwalhati sa pamamagitan nila.
[17:11] At hindi na po Ako magtatagal sa ibabaw ng daigdig, pero sila po ay nasa ibabaw pa ng daigdig. At dumudulog po Ako sa Inyo: Amang Banal, ingatan Niyo po sila sa pamamagitan ng pangalan Niyo na ibinigay Niyo sa Akin, upang sila ay magkaisa kagaya natin.
[17:12] Habang sila po'y kasama Ko sa ibabaw ng daigdig ay iniingatan Ko sila sa pamamagitan ng pangalan Niyo: sila na ibinigay Niyo po sa Akin ay iningatan Ko at wala sa kanila ang napahamak maliban sa anak ng kapahamakan upang matupad ang nakasulat sa Biblia.
[17:13] Pero ngayon po ay lumalapit Ako sa Inyo at sinasabi Ko ang mga bagay na ito sa ibabaw ng daigdig upang taglayin nila sa kalooban nila ang kapuspusan ng kagalakan Ko.
[17:14] Ibinigay Ko po sa kanila ang Inyong salita at kinamuhian sila ng mundo, dahil hindi sila produkto ng mundo, katulad Ko na hindi produkto ng mundo.
[17:15] Hindi Ko po hinihiling na tanggalin Niyo po sila mula sa mundo, kundi ay ingatan Niyo po sila mula sa masama.
[17:16] Hindi po sila kabilang sa mundo, gaya Ko po na di kabilang sa mundo.
[17:17] Italaga Niyo po sila sa Inyong katotohanan. Ang Inyo pong salita ay katotohanan.
[17:18] Kung paanong Ako ay pinadala Niyo papunta sa mundo, gayon din naman ay pinadala Ko sila sa gitna ng mundo.
[17:19] At alang-alang sa kanila ay itinatalaga Ko po ang Aking sarili upang sila rin ay maitalaga sa katotohanan.
[17:20] At hindi lang po Ako humihiling para sa mga ito kundi para rin sa mga maniniwala sa Akin sa pamamagitan ng salita nila;
[17:21] na sila pong lahat ay magkaisa; kung paanong Ikaw, Ama, ay sumasa Akin, at Ako po'y sumasa Inyo, na sila din po ay magkaisa sa Atin, para maniwala ang mundo na pinadala Niyo po Ako.
[17:22] At ang kaluwalhatian na ibinigay Niyo po sa Akin ay ibinigay Ko na sa kanila para sila po ay magkaisa kung paanong tayo ay nagkakaisa.
[17:23] Ako'y sumasa kanila at Kayo'y sumasa Akin para sila'y maging kumpleto sa pagkakaisa at para mauunawaan ng mundo na Kayo ang nagpadala sa Akin, at minahal Niyo sila kung paano Niyo po Ako minahal.
[17:24] Ama, gusto Ko po na sila rin na ipinagkaloob Niyo sa Akin ay makasama Ko kung nasaan Ako para makita nila ang kaluwalhatiang nasa Akin na ibinigay Niyo po sa Akin, dahil minahal Niyo na Ako bago pa man lalangin ang mundo.
[17:25] Amang matuwid, kahit pa hindi Kayo kilala ng mundo, kilala Ko naman Kayo at naunawaan ng mga ito na pinadala Niyo Ako.
[17:26] At pinakilala Ko po sa kanila ang pangalan Niyo at patuloy na ipapakilala, para ang pag-ibig na ipinaranas Niyo po sa Akin ay sumakanila at Ako sa kanila."
[18:1] Pagkasabi ni Jesus sa mga bagay na ito ay lumakad Siya kasama ng mga estudyante Niya patawid ng batis ng Cedron kung saan ay may hardin. Pumasok Siya roon pati na ang mga estudyante Niya.
[18:2] At alam rin ni Judas (na nakahanda nang ipagkanulo Siya) ang lugar, dahil madalas makipagpulong si Jesus doon kasama ng mga estudyante Niya.
[18:3] Kaya't nang makakuha si Judas ng isang batalyon at mga tauhan mula sa mga pangulong pari at mga Pariseo, nagpunta sila roon na may kargang mga sulo, at mga lampara, saka mga armas.
[18:4] Kaya naman si Jesus, dahil nalalaman ang lahat ng mangyayari sa Kanya, ay lumabas sabay sinabi sa kanila, "Sino ba ang hinahanap niyo?"
[18:5] Sinagot nila Siya, "Si Jesus na Nazareno." Sinabi sa kanila ni Jesus, "Ako Siya." At nakatayo rin kasama nila si Judas na nagtaksil sa Kanya.
[18:6] Kaya't nang sabihin Niya sa kanilang, "Ako Siya," sila'y napa atras at nabuwal sa lupa.
[18:7] Kaya't muli Siyang nagtanong sa kanila, "Sino ba ang hinahanap niyo?" At sinabi nila, "Si Jesus na Nazareno."
[18:8] Sumagot si Jesus, "Sinabi Ko na sa inyo na Ako. Kaya't kung Ako ang hanap niyo, pabayaan niyong makaalis ang mga ito:"
[18:9] Para matupad ang salita na sinabi Niya na, "Walang sinumang napahamak mula sa kanila na ipinagkaloob Niyo sa Akin."
[18:10] Kaya't binunot ni Simon Pedro ang dalang patalim at tinaga ang alipin ng Pangulong Pari, anupa't natanggal niya ang kanang taynga nito. At ang pangalan ng alipin ay Malkus.
[18:11] Kaya't sinabi ni Jesus kay Pedro, "Ipasok mo ang patalim mo sa loob ng lalagyan! Ang baso na ibinigay sa Akin ng Ama, hinding-hindi Ko ba ito iinumin?"
[18:12] Kaya't ang buong batalyon, kasama ng kapitan, at ng mga tauhan ng mga Judio ay dinakip si Jesus at Siya'y tinali nila.
[18:13] At dinala muna Siya kay Annas dahil siya ang biyenang lalaki ni Caiafas na siyang Pangulong Pari noong taong iyon.
[18:14] At si Caiafas ang nagpayo sa mga Judio na mas mainam na isang tao ang mamatay alang-alang sa taong bayan.
[18:15] Pero sinusundan ni Simon Pedro si Jesus pati nang isa pang estudyante. At ang estudyante na ito ay kilala ng Pangulong Pari at kasamang pumasok ni Jesus sa loob ng palasyo ng Pangulong Pari.
[18:16] Pero si Pedro ay tumayo lang sa tabi ng pintuan sa labas. Kaya't lumabas yung isang estudyante na kilala ng Pangulong Pari at kinausap ang gwardia sa pintuan. At pinapasok nito si Pedro.
[18:17] Kaya't sinabi kay Pedro ng babaing gwardia sa pinto, "Di ba't isa ka rin sa mga estudyante ng taong ito?" Sinabi niya, "Ako? Hindi ho."
[18:18] Pero ang mga alipin at ang mga tauhan ay nakatayo sa harap ng nagbabagang uling na ginawa nila dahil sa lamig. At nagpapainit sila roon, at kasama nilang nakatayo si Pedro na nagpapainit rin.
[18:19] Ngayon, ang Pangulong Pari ay nagtanong kay Jesus tungkol sa mga estudyante Niya at tungkol sa mga katuruan Niya.
[18:20] Sinagot siya ni Jesus, "Lantaran Akong nagsasalita sa mundo. Lagi Akong nagtuturo sa loob ng simbahan at sa loob ng templo kung saan laging nagtitipon ang mga Judio. At wala Akong turo na sinabi ng lihim.
[18:21] Bakit mo Ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig, kung ano ang sinabi Ko sa kanila. Tignan mo, alam nila ang sinabi Ko."
[18:22] Pero nang sabihin Niya ang mga ito, sinampal si Jesus ng isa sa mga tauhang nakatayo sabay nagsabi, "Ganito Ka sumagot sa Pangulong Pari?"
[18:23] Sinagot siya ni Jesus, "Kung mali ang sinabi Ko, magpatotoo ka tungkol sa mali, pero kung tama ay bakit mo Ako sinampal?"
[18:24] Pagkatapos nito'y pinadala Siya ni Annas na nakagapos kay Caiafas na Pangulong Pari.
[18:25] At habang nakatayo at nagpapainit si Simon Pedro ay sinabi naman nila sa kanya, "Hindi ba't isa ka rin sa mga estudyante Niya?" Itinanggi niya ito at sinabi, "Ako? Hindi ho."
[18:26] Yung isa mula sa mga alipin ng Pangulong Pari na pinsan ng lalaking tinagpasan ni Pedro ng taynga ay nagsabi, "Di ba nakita kita sa loob ng hardin na kasama Niya?"
[18:27] Muli nanaman itong itinanggi ni Pedro at biglang tumilaok ang manok.
[18:28] Kaya't mula kay Caiapas ay dinala nila si Jesus sa loob ng kampo, at umaga na ng sandaling iyon. Pero sila, hindi sila pumasok sa loob ng kampo sa kagustuhan nilang di madungisan, at para makasalo sila sa Paskua.
[18:29] Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, "Anung akusasyon ang dala niyo laban sa taong ito?"
[18:30] Sumagot sila at sinabi sa kanya, "Hindi siguro namin Siya dadalhin sa iyo kung hindi Siya isang masamang tao."
[18:31] Kaya't sinabi sa kanila ni Pilato, "Kunin niyo Siya at hatulan niyo Siya ayon sa inyong Batas." Sinabi naman sa kanya ng mga Judio, "Iligal sa aming magpapatay ng sinuman."
[18:32] (para ang salita na sinabi ni Jesus ay matupad na nagpapahiwatig kung anung klaseng kamatayan Siya ay malapit nang mamatay.)
[18:33] Kaya't pumasok uli si Pilato sa loob ng kampo sabay ipinatawag si Jesus, at sinabi sa Kanya, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?"
[18:34] Sinagot siya ni Jesus, "Sinasabi mo ba ang bagay na ito mula sa iyong sarili o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa Akin?"
[18:35] Sumagot si Pilato, "Ako ba'y Judio? Ang sarili Mong bayan at ang mga pangulong pari ang nagdala sa Iyo sa akin. Ano ba ang ginawa Mo?"
[18:36] Sumagot si Jesus, "Ang Aking kaharian ay di galing sa mundong ito. Kung ang Aking kaharian ay nasa mundong ito, nakipaglaban na sana ang Aking mga tauhan para hindi Ako madakip ng mga Judio. Pero sa ngayon, ang Aking kaharian ay wala rito."
[18:37] Kaya't sinabi sa Kanya ni Pilato, "Kung ganoon, Ikaw nga ay isang hari?" Sumagot si Jesus, "Ikaw na ang nagsabing hari Ako. Ako ay isinilang para dito, at para dito ay dumating Ako sa ibabaw ng mundo: upang Ako'y magbigay ng testimoniya sa katotohanan. Bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa Aking tinig."
[18:38] Sinabi sa kanya ni Pilato, "Ano ba ang katotohanan?" At pagkasabi nito'y lumabas siyang muli para harapin ang mga Judio, at sinabi niya sa kanila, "Wala ako sa Kanyang makitang anumang krimen.
[18:39] Pero mayroon kayong kaugalian kada pagsapit ng Paskua na dapat akong magpalaya ng isang tao para sa inyo. Kaya't gusto niyo ba na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?"
[18:40] Kaya't sumigaw uli silang lahat sabay sabi, "Hindi ang isang ito, kundi si Barabas! Pero si Barabas ay isang mandarambong.
[19:1] Kaya't sa puntong iyon ay kinuha ni Pilato si Jesus at hinagupit Siya.
[19:2] At ang mga pulis ay gumawa ng koronang tinik, ipinatong sa Kanyang ulo, at isang malakulay talong na balabal ang kanilang ibinalot sa Kanya.
[19:3] At sinabi nila, "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" At Siya ay binigyan nila ng maraming sampal.
[19:4] Kaya't muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, "Tignan niyo, dinadala ko Siya palabas sa inyo para malaman niyo na wala akong makitang anumang pwedeng ikaso sa Kanya.
[19:5] Pagkatapos ay dinala niya sa labas si Jesus na nakasuot ng koronang tinik at ng malakulay talong na balabal, at sinabi niya sa kanila, "Tignan niyo yung tao."
[19:6] Kaya't nang makita Siya ng mga pangulong pari at ng mga tauhan ay sumigaw sila, "Ipako mo sa krus! Ipako mo sa krus!" Sinabi sa kanila ni Pilato, "Kunin niyo Siya at kayo ang magpako sa krus, dahil wala akong makitang pagkakamali sa Kanya."
[19:7] Sinagot siya ng mga Judio, "Mayroon kaming batas at ayon sa aming batas ay dapat Siyang mamatay dahil ginawa Niyang Anak ng Diyos ang Kanyang sarili."
[19:8] Kaya't nang marinig ni Pilato ang salitang iyon, lalo siyang natakot.
[19:9] At muli siyang pumasok sa loob ng kampo at tinanong niya si Jesus, "Taga saan ka ba?" Pero hindi nagbigay sa kanya ng sagot ni Jesus.
[19:10] Kaya't sinabi sa Kanya ni Pilato, "Hindi Mo ba ko sasagutin? Hindi Mo ba alam na may kapangyarihan akong ipako Ka sa krus at may kapangyarihan akong palayain Ka?"
[19:11] Sumagot si Jesus, "Wala kang anumang kapangyarihan laban sa Akin kung hindi ito sa iyo ibinigay mula sa itaas: dahil dito, ang nagdala sa Akin sa iyo ang may mas malaking kasalanan."
[19:12] Mula noon ay naghanap na si Pilato ng paraan na palayain Siya. Pero patuloy ang sigawan ng mga Judio sa pagsasabing, "Kung palalayain mo iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sinumang ginagawang hari ang sarili ay kumakalaban sa Emperador."
[19:13] Kaya't nang marinig ni Pilato ang salitang iyon, inakay niya palabas si Jesus at umupo sa ibabaw ng Luklukan ng Hukuman, sa ibabaw ng lugar na kung tawagin ay, "Nilatag na Bato," pero sa Hebreo ay, "Pedestal".
[19:14] Pero iyon ay panahon na para sa paghahanda ng Paskua, at halos alas dose na ng tanghali. At sinabi niya sa mga Judio, "Pagmasdan niyo, ang hari niyo!"
[19:15] Pero sumigaw sila ng, "Dalhin mo na! Dalhin mo na yan! Ipako mo na Siya sa krus!" Sinabi sa kanila ni Pilato, "Ipapako ko ba sa krus ang hari niyo?" Sumagot ang mga pangulong pari, "Wala kaming hari maliban sa Emperador!"
[19:16] Kaya't sa puntong iyon Siya'y ipinaubaya na niya sa kanila para ipako sa krus. At kinuha na nila si Jesus at dinala.
[19:17] At habang dala-dala ang Kanyang krus, lumakad Siya papunta sa kung tawagin ay Lugar ng Bungo na tinatawag sa Hebreo na Golgota.
[19:18] Doon nila Siya ipinako sa krus at may dalawa pang kasama Niya: ang isa sa kanan at ang isa naman ay sa kaliwa; at sa gitna nila si Jesus.
[19:19] At nagsulat rin si Pilato ng pamagat para sa kasong krimen, tapos ay ipinaskil niya ito sa tuktok ng krus. At ang nakasulat ay: JESUS NA NAZARENO, ANG HARI NG MGA JUDIO.
[19:20] Kaya't marami sa mga Judio ang nakabasa sa pamagat na ito dahil ang lugar kung saan ipinako si Jesus ay malapit lang sa lungsod at ito'y nakasulat sa Hebreo, sa Griego, at sa Latin.
[19:21] Kaya't sinabi ng mga pangulong pari ng mga Judio kay Pilato, "Huwag mong isulat, 'ANG HARI NG MGA JUDIO' kundi, 'ANG ISANG ITO AY NAGSABING AKO ANG HARI NG MGA JUDIO.'"
[19:22] Sumagot si Pilato, "Naisulat ko na ang naisulat ko."
[19:23] Kaya't nang maipako na ng mga pulis si Jesus ay kinuha nila ang mga damit Niya at pinagparte ang mga ito sa apat, isang parte kada pulis, pati ang Kanyang panloob na damit. Pero ang panloob na damit ay walang katahi-tahi, hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba.
[19:24] Kaya't sinabi nila sa isa't isa, "Huwag nating hatiin ito, sa halip ay magpalabunutan na lang tayo para dito upang malaman kung kanino ito mapupunta." Para matupad ang nakasulat sa Biblia na nagsasabing, "Pinaghatian nila ang Aking mga damit sa kanilang mga sarili at nagpalabunutan sila para sa Aking damit." Ito nga talaga ang ginawa ng mga pulis.
[19:25] At nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang Kanyang ina, at ang kapatid na babae ng Kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria na taga Magdala.
[19:26] Kaya't nang makita ni Jesus ang ina at ang estudyante na malápit sa puso Niya na nakatayo sa tabi, sinabi Niya sa Kanyang ina, "Ginang, tignan mo ang iyong anak!"
[19:27] Pagkatapos ay sinabi Niya sa estudyante, "Tignan mo ang iyong ina!" At mula sa oras na iyon, tinanggap siya nitong estudyante sa loob ng kanyang sariling tahanan.
[19:28] Pagkatapos nito, nang makita ni Jesus na ngayon ay nagawa na Niya ang lahat ng bagay para matupad ang Biblia, sinabi Niya, "Nauuhaw Ako."
[19:29] Ngayon, mayroon doong isang lalagyang puno ng suka. At nang mapuno nila ng suka ang espongha at makabit sa sanga ng hysop, inilagay nila iyon sa bibig Niya.
[19:30] Kaya't nang tanggapin ni Jesus ang suka ay sinabi Niya, "Tapos na." At pagyuko ng ulo ay ibinigay na Niya ang espiritu.
[19:31] Kaya't ang mga Judio, para hindi manatili sa ibabaw ng krus ang mga katawan sa kalagitnaan ng Araw ng Pamamahinga, dahil iyon ay panahon ng paghahanda, (dahil ang Araw ng Pamamahingang iyon ay napakahalagang araw) hiniling nila kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at alisin na sila.
[19:32] Kaya't lumapit ang mga pulis at parehong binali ang mga binti ng nauna at yung sa isa pang kasama Niyang ipinako sa krus.
[19:33] Pero, pagdating sa harap ni Jesus, nang makita nilang patay na Siya, ay hindi na nila binali ang Kanyang mga binti.
[19:34] Pero sinaksak ng sibat ang Kanyang tagiliran ng isa sa mga pulis at biglang lumabas ang dugo at tubig.
[19:35] At nagpatotoo ang nakakita at totoo ang kanyang testimoniya. Alam Niya rin na totoo ang sinasabi niya, para kayo ay maniwala.
[19:36] Dahil nangyari ang mga bagay na ito para ang nakasulat sa Biblia ay matupad, "Walang buto Niya ang mababali."
[19:37] At muli, isa pang nakasulat sa Biblia ang nagsasabi, "Pagmamasdan nila ang sinaksak nila."
[19:38] At pagkatapos nito ay hiniling kay Pilato ni Jose na taga Arimatea na estudyante ni Jesus (pero palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio) na makuha niya ang katawan ni Jesus. At pumayag naman si Pilato. Kaya nagpunta siya at kinuha ang katawan ni Jesus.
[19:39] At dumating rin si Nicodemo (iyong nakipagkita noong una kay Jesus nang gabi) na may dalang pabangong gawa sa pinaghalong mira at alobera na aabot sa 35 litro.
[19:40] Kaya't kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito sa mga linong tela kasama ng mga pabango ayon sa nakagawiang paraan na paglilibing sa mga Judio.
[19:41] Ngayon, sa loob ng lugar kung saan Siya ipinako sa krus ay may isang hardin, at sa loob ng hardin ay may isang bagong libingan kung saan ay wala pang sinumang nailagay.
[19:42] Kaya't doon nila inilagay si Jesus dahil sa Paghahanda ng mga Judio, dahil ang libingan ay malapit lang.
[20:1] At sa unang araw ng linggo, si Maria na taga Magdala ay lumakad ng maaga habang madilim pa papunta sa libingan at nakita niya ang bato na natanggal mula sa libingan.
[20:2] Kaya't tumakbo siya at nagpunta kina Simon Pedro at sa isa pang estudyante na malápit sa puso ni Jesus. At sinabi niya sa kanila, "Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at di namin alam kung saan nila Siya nilagay!"
[20:3] Kaya't umalis si Pedro at yung isa pang estudyante at nakarating sa libingan.
[20:4] At sabay na nagsitakbo ang dalawa, pero mas matulin yung isang estudyante kaya naiwan niya si Pedro, at nauna itong dumating sa libingan.
[20:5] At pagsilip ay nakita niyang nakalatag ang mga linong tela pero hindi pa siya pumasok.
[20:6] At dumating si Simon Pedro kasunod niya at pumasok ito sa loob ng libingan at nakita ang mga linong tela na nakalatag,
[20:7] at ang panyong nakalagay sa ulo Niya na hindi kasama ng mga linong telang nakalatag kundi ay hiwalay na nakabulumbon sa isang tabi.
[20:8] Kaya't pumasok din yung isang estudyante na naunang dumating sa libingan. At nakita niya at siya'y naniwala.
[20:9] Hindi pa kasi nila naiintindihan ang nakasulat sa Biblia na Siya'y dapat na bumangon mula sa mga patay.
[20:10] Kaya't bumalik uli ang mga estudyante sa kani-kanilang tirahan.
[20:11] Pero si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas, katabi ng libingan. At habang umiiyak ay sumilip siya sa loob ng libingan,
[20:12] at nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakadamit ng puti, ang isa ay malapit sa ulo at ang isa ay malapit sa paa: kung saan inilagay ang katawan ni Jesus.
[20:13] At sinabi nila sa kanya, "Iha, bakit ka umiiyak?" Sinabi niya sa kanila, "Kinuha po kasi nila ang Panginoon ko, at di ko po alam kung saan nila Siya nilagay."
[20:14] At pagkasabi nito ay napatingin siya sa likuran at nakita niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya alam na si Jesus iyon.
[20:15] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Iha, bakit ka umiiyak? Sinung hinahanap mo?" Sa pag-aakala niyang Siya ang hardinero, sinabi niya sa Kanya, "Ser, kung kayo po ang nagdala sa Kanya, sabihin niyo po sa akin kung saan niyo Siya inilagay at ako na po ang magdadala sa Kanya."
[20:16] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maria!" Paglingon ay sinabi niya sa Kanya, "Raboni! (ang ibig sabihi'y, 'Guro')
[20:17] Sinabihan siya ni Jesus, "Huwag mo Akong hawakan dahil hindi pa ako umaakyat papunta sa Ama Ko. Pero lumakad ka papunta sa Aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila, 'Paakyat na Ako papunta sa Ama Ko at Ama niyo, at sa Diyos Ko at Diyos niyo.'"
[20:18] Dumating si Maria na taga Magdala para ibalita sa mga estudyante na nakita niya ang Panginoon at sinabi Niya ang mga bagay na ito sa kanya.
[20:19] Samantala, kinagabihan nang araw na iyon, ang unang araw ng linggo, at habang ang mga pinto ay naka kandado kung saan nagkatipon ang mga estudyante dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna at sinabi sa kanila, "Kapayapaan sa inyo!"
[20:20] At pagkasabi nito ay ipinakita Niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran Niya. Kaya't nagdiwang ang mga estudyante nang makita ang Panginoon.
[20:21] Kaya't sinabing muli ni Jesus sa kanila, "Kapayapaan sa inyo. Kung paanong ipinadala Ako ng Ama, ipinapadala Ko rin kayo."
[20:22] At pagkasabi nito ay hiningahan Niya at sinabihan sila, "Tanggapin niyo ang Banal na Espiritu.
[20:23] Kaninumang mga kasalanan ang inyong patawarin, ang mga ito'y pinatatawad para sa kanila, kaninumang kasalanan ang pagkaitan ninyo ng kapatawaran, ang mga ito ay pinagkaitan ng kapatawaran."
[20:24] Pero si Tomas na alyas "Kambal" na isa sa labing-dalawa ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
[20:25] Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga estudyante, "Nakita namin ang Panginoon!" Pero ang sabi niya sa kanila, "Malibang makita ko sa gitna ng mga kamay Niya ang marka ng mga pako at malagay ko ang daliri ko papasok sa butas ng mga pako, at mailagay ko ang kamay ko sa loob ng tagiliran Niya, hinding hindi ako maniniwala!"
[20:26] At matapos ang walong araw, ang mga estudyante Niya ay nasa loob muli at si Tomas ay kasama na nila. Habang ang mga pintuan ay nakakandado, dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan. At sinabi Niya, "Kapayapaan sa inyo!"
[20:27] Pagkatapos ay sinabi Niya kay Tomas, "Ilagay mo dito ang daliri mo at tignan mo ang mga kamay Ko. Iunat mo rin ang kamay mo at ilagay mo sa loob ng tagiliran Ko. Huwag ka ring maging mapag-alinlangan, kundi mapagpaniwala."
[20:28] At sumagot si Tomas at sinabi sa Kanya, "Ang Panginoon ko, at ang Diyos Ko!"
[20:29] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Dahil nakita mo Ako, Tomas, ay naniwala ka na. Mapalad ang mga hindi nakakita pero naniwala."
[20:30] Sa totoo lang din, marami pang ibang senyales ang ginawa ni Jesus sa harap ng mga estudyante Niya na di naisulat sa loob ng aklat na ito.
[20:31] Pero naisulat ang mga ito para maniwala kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng paniniwala ay magkaroon kayo ng Buhay sa pamamagitan ng pangalan Niya.
[21:1] Pagkatapos ng mga bagay na ito ay ipinakitang muli ni Jesus ang Kanyang sarili sa mga estudyante sa tabing dagat ng Tiberias. At sa ganitong paraan Siya nagpakita:
[21:2] Magkakasamang nandoon sina Simon Pedro, at Tomas na alyas Kambal, pati si Nataniel na taga Cana sa Galilee, at ang mga lalaking anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa Kanyang mga estudyante.
[21:3] Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, "Aalis ako para mangisda." Sinabi nila sa kanya, "Tara, sama rin kami sa iyo!" Umalis sila at agad na sumakay sa loob ng bangka. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon.
[21:4] At pagdating na ng umaga, tumayo si Jesus sa ibabaw ng pampang, pero hindi nakilala ng mga estudyante na Siya si Jesus.
[21:5] Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Mga tutoy, wala ba kayong anumang pagkain?" Sumagot sila sa Kanya, "Wala po."
[21:6] At sinabi Niya sa kanila, "Ihagis niyo ang lambat sa bandang kanang bahagi ng bangka at makakakita kayo." Inihagis nga nila at ngayon ay di na nila ito kayang hilahin dahil sa dami ng mga isda.
[21:7] Kaya't ang estudyante na iyon na malapit sa puso ng Panginoon ay nagsabi kay Pedro, "Ang Panginoon yun!" Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon yun, nagsuot siya ng pang-itaas na damit (dahil siya'y nakahubad) at tumalon siya sa gitna ng dagat.
[21:8] At dumating ang ibang mga estudyante sa maliit na bangka dala-dala ang lambat ng mga isda. Hindi sila kasi ganun kalayo mula sa lupa, kundi humigit kumulang nasa 90 metro.
[21:9] Kaya't nang makarating sila sa ibabaw ng lupa, nakita nilang may nakahandang nagbabagang mga uling na may nakapatong sa ibabaw na isang isda at isang tinapay.
[21:10] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Magdala kayo mula sa mga isdang nahuli niyo ngayon."
[21:11] Umahon si Simon Pedro at binatak ang lambat papunta sa lupa na puno ng malalaking isda - isang daan at limampu't tatlo. At kahit napakarami ng mga ito ay hindi nasira ang lambat.
[21:12] Sinabi sa kanila ni Jesus, "Halikayo't kumain." Pero walang nagtangka sa mga estudyante na tanungin Siya, "Sino po Kayo?" Alam na nila na Siya ang Panginoon.
[21:13] Kaya lumapit si Jesus, sabay kinuha Niya ang tinapay at ibinahagi sa kanila, ganoon din sa isda.
[21:14] Ito na ngayon ang pangatlong beses na nagpakita si Jesus sa mga estudyante Niya matapos Niyang bumangon mula sa mga patay.
[21:15] At nang makakain na sila ay sinabi kay Simon Pedro ni Jesus, "Simon Jonas, iniibig mo ba Ako higit sa mga ito?" Sinabi nito sa Kanya, "Opo, Panginoon; nakikita Niyo po na mahal ko po kayo." Sinabi Niya rito, "Pakainin mo ang Aking mga kordero."
[21:16] Sinabi Niyang muli sa kanya sa ikalawang pagkakataon, "Simon Jonas, iniibig mo ba Ako?" Sinabi niya sa Kanya, "Opo, Panginoon, nakikita Niyo po na mahal ko kayo ." Sinabi Niya sa kanya, "Alagaan mo ang mga tupa Ko."
[21:17] Sinabi Niya sa kanya sa pangatlong pagkakataon, "Simon Jonas, mahal mo ba Ako?" Nasaktan na si Pedro dahil tatlong beses na Siyang nagsabi ritong, "Mahal mo ba Ko?" At sinabi nito sa Kanya, "Panginoon, nakikita Niyo po ang lahat ng bagay. Alam Niyo po na mahal ko Kayo." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Pakainin mo ang mga tupa Ko.
[21:18] Totoong-totoo ang sinasabi Ko sa iyo, noong ikaw ay bata-bata pa, binibihisan mo ang sarili mo at lumalakad ka saan mo man magustuhan. Pero kapag nagka edad ka na ay iuunat mo ang mga kamay mo at may ibang maglalagay ng damit para sa iyo at magdadala sa iyo sa lugar na di mo gustong puntahan."
[21:19] Pero sinabi Niya ito bilang pahiwatig kung anung uri ng kamatayan pararangalan nito ang Diyos. At pagkasabi nito ay sinabi Niya rito, "Sumunod ka sa Akin."
[21:20] Pero paglingon ni Pedro ay nakita niyang sumusunod ang estudyante na malapit sa puso ni Jesus. Ito rin ang humiga sa dibdib Niya duon sa hapunan at nagsabing, "Panginoon, sino po ba ang magkakanulo sa Inyo?"
[21:21] Pagkakita rito ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, paano naman po siya?"
[21:22] Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung gusto Ko siyang manatili hanggang sa pagdating Ko, ano naman ito sa iyo? Sumunod ka sa Akin."
[21:23] Kaya't kumalat ang salitang ito hanggang sa mga kapatiran na ang estudyante na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi, "Kung gusto Ko siyang manatili hanggang sa pagdating Ko, ano naman ito sa iyo?"
[21:24] Ito ang estudyante na nagpapatotoo patungkol sa mga bagay na ito at nagsulat ng mga ito. Alam rin namin na ang patotoo niya ay totoo.
[21:25] Pero marami pa ring ibang ginawa si Jesus na kung isusulat sila isa-isa, sa palagay ko, ang daigdig mismo ay walang paglalagyan sa dami ng mga librong maisusulat. Amen.